Overtime

ADAMSON LUMAPIT SA V-LEAGUE SEMIS

8 September 2026

NANATILING malinis ang marka ng defending champion Adamson University Lady Falcons matapos ang 24-26, 25-17, 25-18, 25-23 panalo laban sa College of Saint Benilde Lady Blazers sa 2026 V-League Collegiate Challenge Linggo ng gabi sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Umangat sa 4-0 ang Lady Falcons at isang panalo na lamang ang kailangan upang tuluyang masiguro ang kanilang puwesto sa semifinals.

Naging susi sa panalo ng Adamson ang pagiging kalmado nito sa mga krusyal na sandali, lalo na sa dulo ng fourth set kung saan muntik nang makabawi ang Lady Blazers at pahabain ang laban.

Nagkaroon ng tatlong pagkakataon ang Adamson na tapusin ang laro, ngunit paulit-ulit na napigilan ng depensa ng Benilde ang mga pagtatangka ni Frances Mordi na maibigay ang match point.

Nang magtabla sa 24-all, tuluyang nakalusot si Mordi upang muling ibalik sa unahan ang Lady Falcons bago tuluyang isinara ni Kamille Dionisio ang laban sa pamamagitan ng kill block.

“Thankful sa Lord and grateful of how the girls responded sa tough times and every time, kung sino man lang ipasok sa court. And that’s all I wanted: that everyone helps the team, that everyone contributes to the team,” ani Adamson head coach JP Yude.

Nanguna si Mordi sa Adamson na may 23puntos mula sa 20 attacks, dalawang blocks at isang ace, habang nagdagdag si Lana Barrera ng 16 puntos at walong excellent receptions.

Malaki rin ang naging ambag nina Fhei Sagaysay at Ysabella Sapienza sa pag-aayos ng opensa ng Lady Falcons matapos silang magsanib para sa 24 excellent sets.

Pinangunahan naman ni Mhonniecka Soliven ang Benilde sa 15 puntos, habang dalawa pang Lady Blazers ang nagtala ng double figures. Gayunman, naging malaking problema ng koponan ang 29 errors na nagbigay ng dagdag na pagkakataon sa Adamson.