Overtime

8 GINTO TARGET NG PH SA ASIAD

11 September 2026

HINAMON ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang Team Pilipinas na sulitin ang pagkakataong makapag-uwi ng maraming gintong medalya sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Sa send-off ceremony para sa delegasyon kahapon, hinikayat ni Tolentino ang mga atletang Pinoy na ibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa kompetisyon at huwag pangunahan ng pressure.

“Walang pressure ito. Itodo ninyo na lahat ng galing ninyo,” pahayag ni Tolentino sa mga miyembro ng Philippine delegation.

Binigyang-diin ng POC chief na kailangan ng mga atleta na samantalahin ang pagkakataon dahil limang taon pa ang hihintayin bago muling idaos ang Asian Games, na nakatakdang ganapin sa Doha, Qatar, sa 2031.

Sa nakaraang dalawang edisyon ng Asian Games, tig-apat na gintong medalya ang naiuwi ng Pilipinas—sa Palembang noong 2018 at sa Hangzhou noong 2023.

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na maaaring itaas ng bansa ang target nito sa walong ginto sa Nagoya.

“Mangangarap din lang naman tayo. Gawin na nating walo,” aniya.

Inaasahan ng POC chief na maaaring magmula ang kalahati ng target na walong ginto sa combat sports, kabilang ang jiu-jitsu, boxing, taekwondo, wushu at mixed martial arts.

Para naman sa non-combat sports, kabilang sa mga itinuturing niyang posibleng magbigay ng gintong medalya ang gymnastics, tennis, athletics, weightlifting, skateboarding at esports.

May 464 atleta ang isasabak ng Pilipinas sa Asian Games. Bagama’t mas maliit ang delegasyon kumpara sa ilang karatig-bansa, tiwala si Tolentino sa kalidad ng mga kinatawan ng bansa, kabilang ang mga Olympian at world champion.

“Now is the time,” mariing pahayag ni Tolentino habang paulit-ulit na hinihikayat ang mga atleta na sulitin ang kanilang pagkakataon sa Japan.

“Hindi namin kayo pine-pressure. Ibigay ninyo na lahat ng nalalaman niyo. Itodo ninyo na.”

Umaasa rin si Tolentino na makatutulong sa kampanya ng Pilipinas ang patuloy na pagtutulungan ng POC, Philippine Sports Commission at mga national sports association.

Para sa POC chief, malinaw ang mensahe sa Team Pilipinas: walang kailangang ikatakot na pressure, ngunit dahil matagal pa bago muling magkaroon ng pagkakataong makipagkumpitensya sa pinakamalaking multi-sport event sa Asya, panahon na para ibigay ng mga atleta ang kanilang lahat sa Nagoya.