10-ANYOS NA PINAY KUMINANG SA US KIDS GOLF WORLD CHAMPIONSHIP
NAGNINGNING sa international junior golf scene ang 10-anyos na si Kamilla Edrianna Guerrero del Mundo matapos niyang makopo ang kampeonato sa Girls’ 10 division ng 2026 U.S. Kids Golf World Championship sa Pinehurst, North Carolina.
Nagposte si Del Mundo ng kahanga-hangang 17-under-par 199 matapos ang tatlong round upang talunin ng isang stroke ang American na si Zizi Townsend at maiuwi ang prestihiyosong crystal trophy.
Idinaos ang torneo sa mga golf course sa paligid ng Pinehurst at nilahukan ng mga batang golfer na may edad lima hanggang 12 mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Para kay Del Mundo, ang titulo ay dagdag sa kanyang pambihirang kampanya ngayong tag-init sa Estados Unidos, kung saan nakamit niya ang tatlong malalaking titulo.
Bago ang kanyang tagumpay sa Pinehurst, nadominahan niya ang girls’ 9-10 division ng Junior World Golf Championships sa San Diego, California. Sa panalong iyon, tinapos niya ang pitong taong paghihintay ng Pilipinas para sa titulo sa prestihiyosong torneo.
Nagkampeon din si Del Mundo sa kaparehong age group ng Future Champions Golf International Championship sa San Marcos, kung saan nagtala siya ng magkaparehong 57 sa dalawang round para sa kabuuang 114.
Ang sunod-sunod na tagumpay ay lalong nagpatibay sa reputasyon ni Del Mundo bilang isa sa mga batang golfer na dapat bantayan sa international junior circuit.