Region

MOTOR VS 10-WHEELER: MAG-ASAWANG GURO PATAY SA PUDTOL, APAYAO

/ 2 November 2020

PATAY ang mag-asawang guro nang bumangga ang kanilang sinasakyang motor sa isang 10-wheeler dump truck habang papunta sa eskuwelahang kanilang pinagtuturuan sa Barangay Mataguisi, Pudtol, Apayao noong Oktubre 30.

Kinilala ang mga biktima na sina April Mark Abad Ventura, 30, at Jaysa Agustin Ventura, 28, kapwa guro ng Mataguisi Comprehensive National High School.

Ayon sa imbestigasyon ng Pudtol Municipal Police Station, matiwasay naman ang biyahe ng mag-asawa sakay ng kanilang motor subalit ilang metro bago makarating sa paaralan ay kailangan nilang lumiko sa highway. Dito nila nakasalubong ang 10-wheeler dump truck na binabaybay naman ang kabilang direksiyon.

Agad na pumailalim ang motor sa trak sapagkat madulas ang kalsada dala ng malakas na buhos ng ulan.

Isinugod sa Amma Jadsac District Hospital ang mag-asawa. Ililipat sana si April Mark sa Cagayan Valley Medical Center subalit namatay na ito habang nasa ambulansiya. Samantala, pumanaw naman si Jaysa habang ginagamot.

Naiwan ng mag-asawa ang tatlo nilang mga anak. Ang panganay ay Grade 5 habang ang bunso ay nasa pre-school.

Sumuko naman kaagad sa Pudtol MPS ang drayber na si Reynal Aquino Maruquin.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang trehedya, ayon kay Cordillera Information Officer Major. Carol Lacuata.