Region

MINDANAO STATE U NABULABOG SA PAMAMARIL; 1 PATAY, 3 SUGATAN

/ 30 September 2021

ISA ang nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan, kabilang ang isang menor de edad, nang mamaril ang dalawang lalaki sa isang restaurant sa loob ng Mindanao State University sa Barangay Brgy. Lomidong, Marawi City, Lanao del Sur.

Ayon kay Police Lt. Col. Nelson Madiwo, hepe ng Marawi Police, naganap ang pamamaril alas-7 ng gabi nitong Setyembre 27.

Kinilala ang nasawi na si Samanodong Menor Macadaag, 32, pedicab driver at residente sa bayan ng Marantao, habang ang mga sugatan ay sina Salic Macatanto Alawi Sarip, 58, negosyante;  Moh’d Salic Ampuan Salic Jr., 20; at isang batang lalaki na anak ng isang customer sa restaurant.

Batay sa ulat ng PNP, bigla na lang namaril ang mga suspek na sina Sohaily Arindig Ampuan at Raffy Madale gamit ang M-16 rifle at pagkatapos ay tumakas.

Batay sa imbestigasyon, puntirya ng dalawang suspeck  si Macadaag at ang dalawang sugatan  habang nadamay lamang ang bata na sa ibang tindahan naroon.

Hinala ng awtoridad na awayan ng pamilya ang motibo ng pamamaril.