Region

GRADE 7 PATAY, 11 SUGATAN SA TUMAOB NA TRIKE

/ 29 March 2025

PATAY ang isang Grade 7 habang 11 ang sugatan makaraang kumalas ang sidewheel ng kanilang sinasakyang tricycle saka tumaob  sa Barangay Mayabon, Zamboanguita, Negros Oriental.

Sa ulat na nakarating sa PILIPINO Mirror, ang biktima ay isang 12-anyos na estudyante ng Jose Marie Locsin Memorial High School at residente ng Brgy. Poblacion, sa nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon ng Zamboanguita Municipal Police Station, binabaybay ang kahabaan ng National highway sa direksiyon ng Zamboanguita proper ng tricycle sakay ang 15  estudyante nang makarating ito sa pababang bahagi ng kalsada, at bigla umanong natanggal ang side wheel ng tricycle at tumaob ito na naging sanhi ng pagkaipit sa loob ng mga biktima.

Gayunman, nailigtas ang iba pang mga pasahero ngunit 11 sa kanila ang nagtamo ng minor injuries, kabilang ang driver na nagtamo lamang ng pasa sa braso.

Ayon kay PEMS Ralph Dela Cruz, dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.

Sinabi ni Dela Cruz na posibleng overloading ang dahilan kung kaya natanggal ang side wheel ng tricycle.

Kasunod ng aksidente ay kinostudiya ng pulisya ang 47-anyos na driver.

Habang mahigpit na binalaan ng PNP ang mga tricycle driver na iwasan ang overloading at palaging isailalim sa regular checkup ang kalagayan ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.