Region

FREE COLLEGE ENTRANCE EXAM APRUB NA SA KAMARA

/ 24 December 2021

LUSOT na sa 2nd reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa libreng entrance examination sa lahat ng state, local at private universities and colleges.

Inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 10555 bilang substitute bill sa House Bill 647 o ang proposed Free College Entrance Examination Act ni Parañaque City Rep. Joy Myra Tambunting.

Layon ng panukala na palawakin at padaliin ang access sa dekalidad na college education sa private higher education sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga mekanismo para sa underprivileged at deserving high school graduates.

“The exemption from the imposition of entrance examination fees is one such mechanism that shall ensure that underprivileged and deserving high school graduating student and high school graduates are given adequate assistance and equal opportunity to pursue their dreams of obtaining a college education,” nakasaad sa panukala.

Saklaw nito ang libreng entrance examination sa state universities and colleges at maging sa local universities and colleges ng underpriviledged public high school students.

Sa private higher education institutions naman, gagawing libre ang entrance test sa public high school students na kasama sa top 10 percent ng graduating class.

Sa ilalim ng panukala ay papatawan ng kaukulang parusa ang mga educational institution na hindi susunod sa batas.