Region

FB POST NG PROUD SON: SCHOOL PRINCIPAL NA… CONSTRUCTION WORKER PA!

/ 6 November 2020

ISANG school principal sa Buruanga, Aklan ang nakitang nagsesemento at gumagawa ng rip-rap sa kanilang eskwelahan.

Ayon kay Elmer Lumbo, 59, principal ng Habana Integrated School, umuwi na ang mga construction worker dahil gabi na subalit kailangan na itong matapos kung kaya itinuloy niya itong mag-isa.

Sinabi ni Lumbo na ito ay upang maiwasan ang soil erosion sa eskuwelahan dahil bahagyang mataas ang lugar ng HIS.

Habang gumagawa, ang principal ay kinunan ng litrato ng kanyang anak na si Jose Elvis Lumbo at ipinost ito sa Facebook upang ipagmalaki ang ama sa kanyang mga kaibigan.

Labis naman ang paghanga at pagkatuwa ng mga guro at netizen kay Lumbo kung kaya umabot na ito sa libo-libong shares.

Ayon sa netizens, kita ang determinasyon at dedikasyon ng principal upang mapaganda at maisaayos ang eskwelahan.