Region

COLLEGE STUDENTS SA CALACA, BATANGAS MAY CASH AID

/ 28 April 2021

SINIMULAN nang ipamahagi sa mga estudyante sa kolehiyo at nasa masteral at doctoral levels sa Calaca, Batangas ang ayuda mula sa NasA Isip Educational Financial Assistance para sa School Year 2020-2021.

Ang programa ay inisyatibo ni Calaca City, Batangas Mayor Sofronio Leonardo ‘Nas’ Ona, Jr. bilang suporta sa mga mag-aaral.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Mayor Ona na direktang matatanggap ng mga learner ang text message para sa iskedyul at lugar ng distribution.

“Iniiwasan natin ang maramihang pagdalo kaya iba-iba ang mga lugar na nakatalaga,” bahagi ng post ni Ona.

Sinabi ng alkalde na alam niya na hindi madali ang online learning system na ipinatutupad dahil sa pandemya at  mahalaga pa rin na ang  mga mag-aaral ay patuloy sa pag-abot ng kanilang mga pangarap kaya hindi titigil ang kanyang tanggapan sa pagtulong sa abot ng kanilang makakaya.

“Sa pagiging siyudad ng Calaca, mas malaking pondo pa ang mailalaan natin para sa ating mga mag-aaral kaya isa ito sa ating mga prayoridad simula noon pa,” ayon pa kay Ona.