Region

2 SENIOR HS LEARNERS NABAWI SA KIDNAPPERS

/ 12 March 2021

DALAWANG estudyante ang nasagip ng mga tauhan ng Cotabato City Police mula sa pagtatangkang pagdukot ng apat na nagpakilalang pulis sa Barangay Datu Balabaran sa nasabing lungsod.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Cotabato City Police Brigadier General Samuel P Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, kinilala ang mga suspek na sina James Belga, 31; Nasser Luban, 39; Al-Andamen Ebrahim, 43; at Ben Dimalanas, 26, nakatira sa magkakahiwalay na munisipalidad na sakop ng Maguindanao.

Nagsasagawa ng mobile patrol sa nasabing barangay ang mga pulis, sa pangunguna ni Colonel Javier, acting Director ng Cotabato City Poilice,  nang mapansin nilang pilit na pinasasakay sa isang sedan ng apat na lalaki ang dalawang biktima na kapwa estudyante at itinago sa pangalang Jen, 22,  at Aldren, 18.

Nang sitahin ng pulisya ang apat, sinabi ng mga ito na sila ay pulis din at nagsasagawa sila ng drug operation.

Gayunman, walang maipakitang ID ang apat kaya ikinulong ang mga ito habang pinauwi na ang dalawang senior high school students.