Region

2 GURO HULI SA PEKENG TRAVEL DOCUMENTS

/ 3 January 2021

DALAWANG guro ang nasa ‘hot water’ ngayon makaraang arestuhin ng mga kagawad ng Rosales Police Station sa Pangasinan dahil sa pag-iingat ng mga pekeng travel document.

Batay sa ulat ng pulisya, sina alyas Teacher Jovi, 29-anyos at Teacher Jomar, kapwa residente sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija, ay nasabat sa PNP quarantine control point sa boundary ng Nueva Ecija-Pangasinan road sa Brgy. Salvacion, Rosales, Pangasinan.

Sa imbestigasyon, sakay ng commuter van na may rutang Guimba, Nueva Ecija-Dagupan City ang dalawa nang siyatin sila at iba pang pasahero ng mga pulis.

Nang beripikahin ang travel documents ng dalawa ay natuklasan ng mga pulis na peke ang kanilang medical certificates.

Inamin ng dalawang guro na pinagawa lamang nila ang medical certificate sa isang kakilala sa Guimba, Nueva Ecija.

Sa record, ang Pangasinan ay isa sa mahigpit na nagpapatupad ng health protocols laban sa Covid19 at sa katunayan, ang Dagupan City ay nananatiling sarado sa mga passenger bus na papasok sa kanilang lungsod.