Nation

SOLON SA DEPED: PAGGAWA NG SELF-LEARNING MODULES IPAUBAYA SA PUBLIC SECTOR PUBLISHERS

/ 2 May 2021

NANINDIGAN si Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na dapat na ipaubaya na rin ng Department of Education sa public sector publishers ang paggawa ng self-learning modules.

Ipinaliwanag ni Marcoleta na ang pag-iimprenta ng mga textbook ay nauna nang ipinasa sa Public Sector Publishers kaya ganito rin dapat ang gawin sa modules.

Ito ay dahil malinaw, aniya, na hirap na hirap ang mga guro sa pagpi-print ng modules na karaniwan pa nilang inaabonohan.

Iginiit ng kongresista na hanggang ngayon ay hinihintay niya ang paliwanag ng DepEd kung bakit huli na ang inilalatag na procurement sa modules para sa ikaapat na quarter ng pag-aaral.

Sinabi ni Marcoleta na dapat ang 4th quarter ay magsisimula na sa Mayo 17 at matatapos sa Hulyo 10 kaya hindi na aabot ang mga module.

“Hindi na magagamit ‘yan, sa panahon na dapat gamitin sa 4th quarter start from May 17 end July 10. Masyadong late mag-procure hindi ko malaman kung sinasadya,” diin ni Marcoleta.

Ipinaalala ng kongresista na nasa P4.2 bilyon ang pondong inilaan ng DepEd para sa modules sa 4th quarter.

“Bakit wala silang kaplano-plano? Ang sinasabi ko nga sa kanila magsipagbitiw na lang silang lahat para makapaglagay si Pangulong Duterte ng tao na makakapagplano,” dagdag pa ng mambabatas.