Nation

SK OFFICIALS IPINASASALANG SA VALUES-CENTERED TRAINING

/ 16 September 2023

HINAMON ni Manila 6th District Rep. Benny Abante, Jr. ang National Youth Commission na tiyaking maisasalang sa values-centered training program ang mga mananalong opisyal ng Sangguniang Kabataan.

Ginawa ni Abante ang hamon sa NYC sa pagharap ng ahensiya sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa hinihinging budget sa 2024.

Ayon kay Abante, chairman ng Human Rights panel sa Kamara, mahalagang maimulat ang kabataan sa kagandahang asal lalo’t sa murang edad ay nalalantad na ang SK leaders sa tukso habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Binigyang-diin ni Abante na magandang simulan sa mga mananalong SK officials ang inilunsad na slogan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na ‘Bagong Pilipinas.’

Ang ‘Bagong Pilipinas’ ay branding communication strategy ni Pangulong Marcos upang isulong ang good governance at responsible leaders.

Iginiit ni Abante na dapat maisabuhay rin ang kasabihan na ‘Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.’