Nation

KLASE SA NAVOTAS SINUSPINDE DAHIL SA AMMONIA LEAK

SINUSPINDE ng Navotas City government ang face-to-face classes sa mga paaralan na malapit sa ammonia leak at sunog sa nasabing lungsod.

/ 21 June 2023

SINUSPINDE ng Navotas City government ang face-to-face classes sa mga paaralan na malapit sa ammonia leak at sunog sa nasabing lungsod.

Ang mga apektadong eskuwelahan ay nasa M. Naval Street sa Brgy. Northbay Boulevard North.

Kabilang sa sinuspinde ang klase ang Northbay Boulevard North Elementary School kung saan may ilang estudyante ang pumasok na subalit pinauwi rin agad.

Magugunitang 23 ang isinugod sa ospital — 11 ang dinala sa Tondo Medical Center habang 12 naman sa Navotas City Hospital.

Isang menor de edad na sinasabing binawian ng buhay ang dinala sa MCU Hospital sa Caloocan City ngunit hindi pa makumpirma kung dahil ito sa insidente ng ammonia leak.

Alas-12:06 ng hatinggabi nitong Hunyo 20 nang sumiklab ang sunog na umabot sa ikatlong alarma.

Naisara naman ng ala-1:42 ng madaling araw ang valve kung saan sumisingaw ang ammonia habang ala-1:57 ng madaling araw nang ideklarang fire out ang sunog.