Nation

15 SUSPEK SA PAGKAMATAY NG ADAMSON U STUDENT TUKOY NA NG PNP

/ 2 March 2023

MAY lead na ang Philippine National Police sa pagkakakilanlan ng 15 suspek sa pagpatay sa 3rd year chemical engineering student ng Adamson University na natagpuan ang bangkay sa Imus, Cavite.

Kinilala ang biktima na si John Matthew Salilig na iniulat na nawala noon pang Pebrero 20 at umano’y umanib sa isang fraternity.

Ayon kay PNP Public Information Chief, PCol Redrico Maranan, lumalabas na hazing ang sanhi ng pagkamatay ng biktima batay sa nakitang mga sugat sa katawan nito at sa pahayag ng isa sa nakuhang suspek sa Binan, Laguna.

Nabatid na isa sa mga suspek ang nagsabi na 70 beses na pinalo si Salilig sa initiation rites.

Kahapon ay naghain ng search warrant ang mga pulis sa bahay ng may-ari ng sasakyan na pinagsakyan sa biktima.

Magugunitang alas-11:30 ng tanghali nitong Martes nang matagpuan ng mga awtoridad ang katawan ng biktima sa isang bakanteng lote sa Brgy. Malagasang.

Walang damit at markado ng mga pasa sa hita nang matagpuan ang labi ni Salilig.

Natunton ang labi sa tulong na rin ng ilang saksi na kasamahan sa fraternity.