Nation

11K PULIS IPOPOSTE SA MGA PAARALAN SA CLASS OPENING

/ 8 August 2023

NASA 11,000 pulis ang ide-deploy sa mga paaralan sa buong bansa sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon.

Ayon kay Fajardo, bahagi ito ng kanilang Oplan Balik Eskuwela para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.

Naglabas na, aniya, ang PNP ng operational guidelines para sa Oplan Balik Eskwela na kinabibilangan ng paglalagay ng Police Assistance desks malapit sa mga paaralan.

Kasama rin dito ang pinaigting na police visibility sa pamamagitan ng foot at mobile patrols sa bisinidad ng mga paaralan.

Mayroon na ring atas sa mga field commander na makipag-coordinate sa mga administrator ng mga paaralan.

Magsasagawa rin ang PNP ng information campaign para sa mga magulang at estudyante kung paano makaiiwas sa krimen.