KabataanSaHalalan

PDP-LABAN WALA PA RING DADALHING PRESIDENTIAL BET

KINUMPIRMA ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na wala pa ring napipili ang PDP-Laban na susuportahang presidential bet sa darating na halalan.

/ 11 March 2022

KINUMPIRMA ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na wala pa ring napipili ang PDP-Laban na susuportahang presidential bet sa darating na halalan.

Gayunman, sinabi ni Olivarez na para sa kanya ay kuwalipikado si Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo Lacson bilang pangulo at isa ito sa kinokonsidera nila para sa ieendorsong presidential candidate.

Ginawa ni Olivarez ang pahayag matapos ang courtesy call sa kanya ni Lacson bago mag-ikot sa bahagi ng Paranaque.

Idinagdag ni Olivarez na muling magpupulong ang National Executive Committee ng PDP-Laban bago magsimula ang pangangampanya para sa lokal na eleksiyon sa Marso 25 para pag-usapan ang pipiliin nilang presidential bet.

Si Olivarez ang tumatayong PDP Laban Vice President for Metro Manila at isa rin sa nanunungkulan sa kanilang executive committee.

“In terms of qualification wala kaming masasabi kay Senator Ping, mula noong sa PNP siya, ilang term na as senator. Ang problem namin I belong to the party PDP,” pahayag ni Olivarez.

“So iko-convene namin before March 25 ang National Executive Committee para iko-consult namin sa chapters tapos magkakaroon ng official statement at andoon po si Senator Ping, tinitingnan po na isa sa endorsement for president ng PDP,” dagdag pa ng alkalde.