Bulletin Board

#KABATAANSAHALALAN: TARGET NA BILANG NG MGA BAGONG VOTER REGISTRANT HINDI PA RIN NAAABOT

/ 25 January 2021

Iniulat ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon na hindi pa rin nito naaabot ang target na bilang ng bagong voter registrants ngayong Enero 2021.

Aniya, nasa higit isang milyon pa lamang ang mga nagpaparehistro para sa Eleksiyon 2022. Masyado itong malayo sa target ng Comelec na 4 milyong voter applications sa unang buwan ng bagong taon.

“We are behind our 4M target of new registrants. Only 1,117,528 voter applicants as of Jan 14, 2021,” pahayag niya sa Facebook at Twitter.

Batay sa kolektibong datos ng Comelec mula Setyembre 1, 2020, 604,692 na babae at 512,836 na lalaki pa lang ang mga bagong rehistradong botante. 167,709 dito ay mula sa Region IV-A, 125,360 ay mula sa Region III, at 117,011 naman ang mula sa NCR.

Pinakamababang bilang naman ang naitala mula sa Cordillera Administrative Region na nasa 17,337 na sinundan ng Caraga Region, 34,051.

Bunsod nito’y hinihikayat niya ang mga kalipikadong Filipino na magpatala sa pinakamalapit na opisina at makiisa sa pagpili ng susunod na mangungungkulan sa pambansa at mga lokal na pamahalaan.

“Register. Wear face masks and face shields. Bring your own pen. Comelec offices have alcoholos. #MagpaRehistroKa #VotePiliPinas2021,” ani Guanzon.

Balak niya ring imungkahi sa Comelec en banc ang pagpapalawig ng rehistration hours nang makahabol pa ang mas maraming mamboboto.

Paano magparehistro?

Sang-ayon sa Resolution 10647 ng Commission on Elections, ang voting registration para sa Eleksiyon 2021 ay sinimulang buksan sa buong Filipinas noong Setyembre 1, liban sa mga lugar na nananatiling nasa Enhanced Community Quarantine o Modified Enhanced Community Quarantine.

Para sa mga lugar gaya ng Maynila na nasa General Community Quarantine, narito ang mga paalala sa kung paano makapagpaparehistro.

  1. Tiyakin na ikaw ay kalipikado. Ang botanteng Filipino ay nararapat na Filipino citizen, at least 18 years old bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022, residente ng Filipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lungsod o bayan na pagbobotohan nang hindi bababa sa 6 na buwan.
  2. Gumising nang maaga. Ang Comelec ay handang tumanggap ng mga magpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 3 n.h. (Maaari itong magbago depende sa lugar na kinabibilangan).
  3. Mag-download ng tatlong kopya ng application form mula sa https://www.comelec.gov.ph/?r=VoterRegistration/ApplicationsForms.  Manwal itong sagutan pero huwag munang pirmahan. Sa harap ng Comelec staff mo ito dapat pirmahan.
  4. Bitbit ang sariling bolpen, pumunta sa inyong Local Commission on Elections Office. Kadalasang ito ay matatagpuan malapit sa munisipyo o city hall.
  5. No Face Mask and Face Shield – No Registration. Magsuot ng face mask at face shield. Mag-alcohol at pirmahan ang health declaration form na makukuha sa security guard. Sundin ang dalawang metrong social distancing.
  1. Pumila at magpa-biometrics. Kapag tinawag na sa window, kailangan mong panandaliang hubarin ang face mask at face shield para makunan ka ng retrato. Matapos nito’y kukunan ka rin ng biometrics gaya ng fingerprint at signature specimen.
  2. Hintayin ang iyong voter slip. Pagkakuha nito’y maaari ka nang bumalik sa inyong tahanan.
  3. Subaybayan ang #KabataanSaHalaan Election Campaign ng The Philippine Online Student Tambayan (net.ph) para mabatid ang mga update hinggil sa eleksiyon at para malaman ang mga detalye sa kung paano maririnig ng taumbayan ang boses ng mga kabataan sa halalan.

#KabataanSaHalalan

‘Youth Vote’ ang sinasabing may kakayahang makapagpabago ng resulta ng eleksiyon sa Filipinas. Kabataan kasi ang pinakamalaki at pinakaaktibong hanay ng mga botante taon-taon. Sa katunayan, nito lamang 2019, 18.8 milyon ang bilang ng mga botanteng edad 18-24 at 19.9 milyon naman ang edad 30-44. Higit 60% ito ng 61.8 milyong populasyong rehistrado.

Nakaatang sa ating mga balikat ang kinabukasan ng lipunan at isang taon na lamang ay pipili na naman tayo ng bagong set ng mga lider na pagkakatiwalaan nating makapagpapaunlad ng ating kalagayan bilang mga Filipino.

Malaking kapangyarihan, malaking responsibilidad. Kaya ngayon pa lamang ay kailangan na nating maghanda. Mag-aral, magbasa, mangarap sa bansang Filipinas. Simulan natin ito sa pagrerehistro upang sabay-sabay nating maisigaw ang boto ng mga #KabataanSaHalalan.