Bulletin Board

IKA-235 KAARAWAN NI FRANCISCO BALAGTAS, IPAGDIRIWANG NG LUNGSOD MAYNILA AT IBA’T IBANG AHENSIYA NG PAMAHALAAN

3 April 2023

Ipagdiriwang ng Lungsod Maynila at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at institusyon ang ika-235 kaarawan ni Francisco Balagtas sa 2 Abril 2023, 7:30 nu sa Liwasang Balagtas, Pandacan sa pamamagitan ng Pag-aalay ng Bulaklak.

Dadalo ang iba’t ibang kinatawan ng ahensiya ng pamahalaan at institusyon kabilang ang Kagawaran ng Edukasyon, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Pambansang Lupon sa Pagpapaunlad ng Aklat (NBDB), Samahan ng Sining at Kalinangan ng Pandacan (SSKP), at mga lingkod bayan ng Lungsod Maynila.

Dadalo rin si Komisyoner Benjamin M. Mendillo Jr., PhD ng Komisyon sa Wikang Filipino na sumusuporta sa mga gawaing pampanitikan kabilang ang Tertulyang Pampanitikan ng mga Sentro ng Wika at Kultura sa iba’t ibang bahagi ng bansa na bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Panitikan 2023.

Ang tradisyonal na Pag-aalay ng Bulaklak kay Balagtas ay magaganap din sa Orion, Bataan at Balagtas, Bulacan.

Ang selebrasyon sa Araw ni Balagtas sa taong ito ay may temang “Kultura ng Pagbabasa Tungong Pagkakaisa” na magiging paksa rin ng lektura ni Dr. Gatmaitan sa kaniyang lektura ang paksang “Kultura ng Pagbabasa tungong Pagkakaisa,” sa 3 Abril 2023 na mapanonood sa opisyal na KWF Facebook page.