Nation

MGA PAARALAN ‘DI DAPAT GAWING EVACUATION CENTERS — SENADOR

/ 4 November 2020

MATAPOS ang hagupit ng Bagyong Rolly, iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatayo ng matitibay at may sapat na pasilidad na evacuation centers para sa mga ililikas tuwing may kalamidad.

Sinabi ni Gatchalian na dapat maging permanente na ang mga evacuation center at maiwasan nang gamitin ang mga paaralan bilang pansamantalang tirahan ng mga naaapektuhan ng bagyo, sunog, lindol o iba pang kalamidad

“Panahon na para isantabi natin ang nakagawiang pagpapatuloy sa mga eskuwelahan o ‘di kaya ay basketball court ng mga inililikas nating kababayan. Dapat mayroon na silang matutuluyan na permanenteng pasilidad na hindi matitinag ng lakas ng bagyo na umaabot sa 320 kilometers per hour o 200 miles per hour at lindol na may moderate seismic activity na 7.2 magnitude,” pahayag ni Gatchalian.

“Dapat natuto na tayo base sa naging karanasan natin noong manalasa ang hindi makakalimutang super typhoon na Yolanda at pag-aralang maigi ang mga diskarte sa emergency preparedness. Kinakailangan ding mamuhunan sa mga dekalidad na early warning systems upang maiwasan ang mga nasasalanta sa tuwing may bagyo o anumang kalamidad,” dagdag ng senador

Ipinaliwanag ng mambabatas na tuwing may bagyo ay nagkakaroon naman ng sapat na panahon upang maisalba ang mga sarili at mga gamit.

“Sa dami ng bilang na tinatamaan tayo ng bagyo taon-taon, ang pagkakaroon ng maayos na matutuluyan ng mga apektado nating mga kababayaan ay dapat palaging isinasaalang-alang,” diin ni Gatchalian.

Sa kanyang Senate Bill 747, nais ni Gatchalian na magtatag ng mga ligtas na matutuluyan o evacuation centers sa lahat ng munisipyo at mga lungsod na karaniwang nasasalanta ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.

Sinabi ni Gatchalian na dapat ay may sapat na pasilidad ang mga evacuation center na ito at tiyakin na hindi siksikan ang mga residente para masiguro ang health and safety protocols sa kasagsagan pa rin ng pandemya.

Bukod sa maayos na suplay ng tubig at koryente, iminungkahi rin ni Gatchalian ang pagtatalaga ng maayos na lugar para sa tulugan, kainan, palikuran, lutuan, labahan, clinic at isolation area para sa mga taong may mga nakahahawang sakit at sapat na lugar para sa mga alagang hayop.

Sa kanyang panukala, bibigyan ng prayoridad ang local government units na karaniwang nasasalanta ng kalamidad at walang sapat na ligtas na evacuation center base na rin sa pagsusuri ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

“Bigyan natin ang mga biktima hindi lang ng dignidad kundi kapanatagan ng loob sa gitna ng kinakaharap nilang kalamidad. Dapat masiguro nating nasa maayos na lagay sila. At kung may mga ganitong pasilidad, mas madali natin silang mahikayat na lumikas kung kinakailangan para masiguro ang kanilang kapakanan,” dagdag pa ni Gatchalian.