UST HUMIRIT NG PLAYOFF PARA SA HULING FINAL FOURT BERTH
NAPANATILING buhay ng University of Santo Tomas ang kanilang kampanya sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament matapos dominahin ang Adamson University, 76-61, kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umangat ang Growling Tigers sa 8-6 kartada at nakasiguro ng playoff para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four kontra sa matatalo sa Far Eastern University at De La Salle University sa Sabado.
Naging sandigan ng UST si Collins Akowe na kumamada ng 21 puntos at 10 rebounds, habang nagdagdag si Mark Llemit ng 16 puntos.
Naiwan ang Tigers sa unang dalawang quarter matapos umabante ang Adamson, 16-15, sa pagtatapos ng first quarter at 36-32 sa halftime.
Subalit nagliyab ang opensa ng UST sa third quarter nang dominahin nito ang Falcons, 31-12, upang tuluyang maagaw ang kontrol sa laro at makalamang, 63-48, bago ang huling 10 minuto.
Hindi na binitiwan ng Growling Tigers ang kalamangan sa fourth quarter at umabot pa sa 17 puntos ang kanilang pinakamalaking bentahe bago sinelyuhan ang panalo.
Nanguna si Matthew Montebon sa Adamson na may 14 puntos, habang nagtala sina Matt Erolon at Earl Medina ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nagtapos ang Soaring Falcons sa ika-7 puwesto tangan ang 5-9 rekord.
Samantala, tinapos ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa magandang paraan ang kanilang kampanya matapos pataubin ang University of the East Red Warriors, 86-81.
Nagtapos ang Blue Eagles sa 6-8 kartada para sa ikaanim na puwesto, habang nanatili naman sa pinakahuling puwesto ang Red Warriors na may 1-13 record.
Pinangunahan ni Kieffer Alas ang Ateneo matapos magtala ng 18 puntos, 9 rebounds, 2 assists at 2 steals. Nag-ambag naman si Travis Roberts ng 14 puntos, habang nagdagdag si Ian Espinosa ng 12 para sa Blue Eagles.
Sa panig ng UE, nanguna si Toper Lagat na kumamada ng 20 puntos, habang kumabig sina Colby Vazquez at Drew Jimenez ng 17 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.