BULLDOGS NILAPA ANG TIGERS
NAITAKAS ng National University Bulldogs ang 75-71 panalo kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos na mapag-iwanan sa 57-62, nagpakawala ang Bulldogs ng 10-0 ratsada sa pangunguna nina Mo Diassana, Paul Francisco, Tebol Garcia at Kenshin Padrones upang agawin ang kalamangan, 67-62.
Sinikap ng Growling Tigers na makabalik sa laro sa pamamagitan ng mga puntos ni Collins Akowe, ngunit agad namang sumagot ang NU sa tulong nina Reinhard Jumamoy, PJ Palacielo at Diassana upang mapanatili ang kanilang bentahe.
Hindi sumuko ang UST at muling nagbanta sa pamamagitan ng tres ni Landyn Jumawan at dalawang free throws ni Amiel Acido. Gayunman, naging krusyal ang mga free throw ni Palacielo sa huling bahagi ng laro upang selyuhan ang panalo ng Bulldogs.
Nanguna si Diassana para sa NU sa naitalang 16 puntos at 19 rebounds, habang nagdagdag si Padrones ng 13 puntos. Kumamada naman si Palacielo ng 14 puntos at nag-ambag si Garcia ng 12. Umangat ang Bulldogs sa 7-3 kartada.
“Good thing lumabas ‘yung effort namin, kahit na we have foul trouble sa mga bigs namin, inayos nila ‘yung mindset nila. Hopefully, sa next game maibalik namin ang nais naming gawin,” ani NU head coach Jeff Napa.
Sa panig ng Growling Tigers, nagtala si Acido ng 13 puntos, habang may 12 si Mark Llemit. Nagdagdag naman sina Andrew Chio at Akowe ng tig-11 puntos, ngunit hindi ito naging sapat upang makumpleto ng UST ang tangkang pagbangon. Laglag sila sa 4-6.