Nation

HIGIT SA BIGAS, TUMUTUBO SA PALAYAN ANG KAMALAYAN

/ 31 October 2026

Sa araw-araw na pagyuko sa palayan at pagtatanim ng bawat butil ng palay, hindi kaginhawaan ang palaging naghihintay sa isang magsasaka. Sa halip, dala niya ang panibagong pag-aalala kung paano pagkakasyahin ang kinikita upang maitawid ang pangangailangan ng pamilya; at kung paano matitiyak na may kinabukasan ang kanyang anak sa kabila ng kahirapan.

Si Mary Jane Lantajo, 47, gagap na ang kanilang kahirapan bilang isang magsasaka ngunit hindi lamang sa lupang sinasaka nakaugat ang kanyang pakikibaka. Sa bawat araw na ginugugol niya sa bukid, bitbit niya rin ang pangarap na mabigyan ng mas maayos na kinabukasan ang kanyang anak na si Angelica Samburna, 14. Pangarap itong patuloy na sinusubok ng kakapusan sa kabuhayan, ngunit hindi niya basta isinusuko.

Sa likod ng bawat butil ng bigas sa hapag-kainan, mula kanayunan tungong siyudad, naroon ang pawis ng mga magsasakang patuloy na nagsisikap sa kabila ng kakulangan sa kita at kawalan ng katiyakan sa kanilang kabuhayan.

Dagdag sa bigat ng ganitong kabuhayan ang panganib na dulot ng mga kalamidad. Sa ulat ng Pinoy Weekly noong Hunyo 16, 2024, 6,015 ektarya ng lupang sakahan sa CALABARZON ang iniulat na sinalanta ng bagyo, na direktang nakaapekto sa 6,569 magsasaka, batay sa datos ng National Irrigation Administration (NIA).

Ipinakikita ng mga bilang na ito ang lawak ng pinsalang maaaring idulot ng kalamidad sa sektor ng agrikultura sa rehiyon.

Hindi malayo sa ganitong kalagayan ang karanasan ni Mary Jane. Ikinuwento niyang sinalanta sila ng bagyo, at madalas bahain ang kanilang lugar dahil malapit sila sa ilog.

Mula dito, malinaw na ang kahirapan ay hindi lamang tungkol sa kakulangan ng perang maipambibili ng pagkain. Nangangahulugan din ito ng kawalan ng katiyakang ligtas ang tahanan at kakayahang makabangon sa oras ng sakuna.

Samantala, patuloy na nagbabanta sa kabuhayan ng mga magsasaka ang pabago-bagong presyo at mga kalamidad. Noong Oktubre 2026, nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng matinding El Niño na maaaring makaapekto sa milyun-milyong magsasaka at mangingisda.

Sa ganitong kalagayan, ang pag-asang makatapos ang anak ay hindi lamang nakasalalay sa tiyaga ng isang ina, kundi maging sa mga kondisyong pangkabuhayan at suportang dapat matiyak para sa mga nagbubungkal ng lupa.

Kaya naman, isa si Mary Jane sa mga nakiisa sa malawakang protesta noong Oktubre 21 bilang paggunita sa Buwan ng mga Pesante. Para sa kanya, hindi na bago ang mga krisis na kinakaharap ng mga magsasaka. Ngunit sa halip na manatili sa kanilang kalagayan, nakikita niya ang pakikilahok sa sama-samang pagkilos bilang isang paraan upang maiparating ang kanilang panawagan.

“Sana matulungan kami, hirap ng buhay namin, kung hindi kami magsasaka, wala kaming makain, kahit isama kami sa malayo, sumama kami eh, baka matulungan kami.”

Ngunit sa likod ng kanyang pakikilahok sa protesta ay isa pang laban na hindi palaging nakikita sa lansangan; ang pakikibaka ng isang inang magsasaka upang maitaguyod ang kinabukasan ng kanyang anak.

Sa pagitan ng sakahan at paaralan

Noong nasa Grade 2 pa lamang si Angelica, ipinadala siya ni Mary Jane sa Calamba, Laguna upang doon mag-aral. Sa kasalukuyan, 14 taong gulang na si Angelica at nasa Grade 9. Isang mabigat na desisyon para sa isang ina ang malayo sa anak, ngunit kinailangan nilang harapin ang pagkakawalay sa pag-asang maipagpatuloy nito ang pag-aaral.

“Yung anak ko nandoon, pinag-aral ko sa Calamba kasi mahirap dito sa amin, tabing ilog eh. Ilang beses na kami nag-evacuate,” ani Mary Jane.

Mula noon, hindi na naging bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang simpleng pagsasama sa iisang tahanan. Ang mga dating pagkakataong magkasama sila ay napalitan ng paghihintay sa susunod na pagkikita. Sa halip na masaksihan araw-araw ang paglaki ng anak, kinailangang makuntento ni Mary Jane sa mga panahong nagkakaroon sila ng pagkakataong magsama.

“Masakit din na mahiwalay sa anak ko kasi malayo eh, nandito lang ako, siya nasa Laguna, hindi ko siya araw-arawan makita kung ano ang ginagawa niya doon, [hindi ko] naaalagaan, wala eh,” ani Mary Jane.

Sa kabila ng distansya, patuloy na nagsisikap si Mary Jane upang masuportahan ang pag-aaral ni Angelica. Kinikilala niyang maliit lamang ang kanilang kinikita sa pagsasaka, ngunit hindi ito naging dahilan upang tuluyang talikuran ang pangarap na makatapos ang anak.

Ngunit hindi lamang pera at pagkakawalay ang kailangang pagdaanan ng mag-ina. Kaakibat din ng pagnanais ni Mary Jane na makapagtapos si Angelica ang pangambang dulot ng mga panganib na maaari nitong harapin habang lumalaki at nag-aaral nang malayo sa pamilya.

Ikinuwento niyang nag-aalala siya sa kaligtasan ng anak, lalo na kapag umuuwi ito sa gabi. Bilang isang ina, nais niyang matiyak na may maaasahang masasakyan at ligtas na makababalik sa tinutuluyan si Angelica. Dagdag pa rito ang mga gastusing kailangan niyang paglaanan upang maipagpatuloy ng anak ang pag-aaral.

Sa ganitong karanasan, makikita na ang krisis sa kabuhayan ng mga magsasaka ay hindi lamang nasusukat sa halaga ng ani o sa kinikita nila. Umaabot ang epekto nito sa loob ng tahanan, sa ugnayan ng magulang at anak, na kung paanong ang pulitika ay nakaaapekto rin sa relasyon ng isang pamilya.

Para sa mga anak ng magsasaka, maaaring maging daan ang pag-aaral tungo sa mas maraming oportunidad. Ngunit kasabay nito ang mga hamong dulot ng limitadong kabuhayan ng kanilang pamilya. Sa bawat sakripisyong ginagawa ng magulang, may isang batang lumalaki sa gitna ng mga tanong tungkol sa sistemang kinabibilangan nila, at kung bakit kinakailangang ipanawagan pa ang karapatang dapat ay natatamasa naman nila.

Ang binhing hindi lamang para sa ani

Sa kuwento ni Mary Jane, hindi hiwalay ang kanyang pangarap para sa anak sa kalagayan ng sektor na kanyang kinabibilangan. Ang panawagan niya para sa karapatan ng mga magsasaka, ay karapatan din para sa pangarap ng anak niya.

Ayon kay Mary Jane, nais ng kanyang anak na maging flight attendant. Para sa kanya, mahalagang magkaroon ang anak ng pagkakataong tahakin ang landas na pinili nito, sa halip na maranasan ang parehong hirap na patuloy na kinakaharap ng kanilang pamilya.

Ayaw niyang maranasan ni Angelica ang bigat ng pagsasaka bilang tanging paraan upang mabuhay. Hindi dahil wala siyang halaga sa gawaing nagtataguyod sa kanilang pamilya, kundi dahil alam niya mismo ang hirap ng buhay na ito.

Gayunman, hindi rin dapat maging kapalit ng edukasyon ang pagkakawalay ng isang bata sa kanyang magulang dahil sa kakulangan ng oportunidad sa sariling pamayanan. Dapat may sapat na suporta upang hindi kailangang mamili ang mga pamilya sa pagitan ng pananatiling magkakasama at pagbibigay sa kanilang mga anak ng pagkakataong makapag-aral.

“Sana matulungan kami ng gobyerno, tungkol sa anak ko na nag-aral sa Calamba, napalayo sa akin, sana matulungan kami, marinig kami…” saad ni Mary Jane.

Sa panawagang ito, hindi lamang tulong pinansiyal para sa isang pamilya ang nakataya. Nariyan ang pangangailangan para sa mga kondisyong magbibigay sa mga magsasaka ng sapat na kabuhayan, sa kanilang mga anak ng pagkakataong makapag-aral, at sa mga pamilya ng posibilidad na mangarap nang hindi palaging nangangambang kapusin sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa bawat pagtatanim ni Mary Jane, may pangarap siyang inaalagaan para kay Angelica. Ngunit habang patuloy niyang binubungkal ang lupa, hindi lamang ang kinabukasan ng kanyang anak ang nais niyang maiahon sa kahirapan. Kaakibat ng kanyang protesta ang panawagang mabago ang kalagayang patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka at sa kanilang pamilya.

Sapagkat sa palayang patuloy na binubungkal ng mga magsasaka, hindi lamang palay ang maaaring tumubo. Maaari ring umusbong ang kamalayan ng mga anak na lumalaki sa gitna ng kanilang pakikibaka, mga kabataang unti-unting nakauunawa na ang kanilang mga pangarap ay nakaugat din sa kalagayan ng lipunang kanilang ginagalawan. At sa kamalayang iyon, maaaring magsimula ang laban para sa kinabukasang hindi na kailangang pagpaguran nang mag-isa ng bawat inang magsasaka.

 

Sources:

[Magsasaka, apektado sa mga kalamidad]
https://pinoyweekly.org/2024/06/magsasaka-apektado-sa-mga-kalamidad/

[DA chief backs calamity declaration to mobilize El Niño response]

https://www.da.gov.ph/da-chief-backs-calamity-declaration-to-mobilize-el-nino-response/