Overtime

LADY TAMS WINALIS ANG LADY BLAZERS, LUMAPIT SA SSL Q’FINALS BONUS

29 October 2026

LUMAPIT ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa pagkamit ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals matapos dominahin ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-14, 25-9, 25-17, sa 2026 Shakey’s Super League Unity Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Nanatiling walang talo ang Lady Tamaraws sa limang laro sa torneo at umangat sa 2-0 kartada sa Pool E matapos ang ikalawang sunod na panalo sa Round of 8.

Nanguna si Ia David sa opensa ng Lady Tamaraws sa naitalang 10 puntos, habang nagdagdag si Gerz Petallo ng pito sa dalawang set lamang. Tig-limang puntos naman ang naiambag nina Cla Loresco, Alyzza Devosora at Jaz Ellarina.

Nagpakita rin ng mahusay na distribusyon ng bola si setter Karyll Miranda, na nagtala ng 10 excellent sets upang tulungan ang FEU na makapagtala ng 41 attack points.

Ayon kay David, malaking bahagi ng kanilang tagumpay ang positibong samahan ng koponan at ang enerhiyang dala nila mula sa ensayo hanggang sa aktuwal na laro.

“Nag-start siya sa training and outside the court, na happy-happy lang kami as a team kasi knowing na ‘yung energy malaki talaga ang impact niya. ‘Di kami pwedeng nakasimangot, tinanggal namin ‘yung mga ganoon. Good vibes lang and good thing na-adopt namin sa loob ng court,” ani David.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging consistent at pagtitiwala sa kakayahan ng bawat manlalaro.

“Nag-stick kami sa mindset namin na maging consistent. ‘Yung mindset na magtiwala sa mga kasama kasi kahit sino talaga kayang mag-contribute,” dagdag niya.

Matapos dominahin ang unang dalawang set, bahagyang nakalamang ang Lady Blazers sa simula ng third set, 6-3. Gayunman, mabilis na nakabawi ang FEU at nagtala ng 12-5 ratsada sa huling bahagi ng set upang tapusin ang laban.

Nanguna sina Arriana Pua at Mary Grace Borromeo para sa Lady Blazers na may tig-pitong puntos, habang nag-ambag  si Mhonniecka Soliven ng anim na puntos.