DLSU NAKAUNGOS SA UE SA OT, BALIK SA TRANGKO
NAKABAWI ang De La Salle University Green Archers mula sa nasayang na kalamangan upang pataubin ang University of the East Red Warriors, 97-88, sa overtime sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos mabura ang kanilang kalamangan na umabot sa 13 puntos, muling nakontrol ng Green Archers ang laro sa overtime sa pangunguna nina Joaquin Tovera at Mason Amos.
Bumira ang La Salle ng 9-2 run upang makalamang, 89-82, at pigilan ang tangkang paghabol ng Red Warriors.
Hindi pa rin sumuko ang UE at nagawang ilapit ang iskor sa 86-91, ngunit tuluyang sinelyuhan ng Green Archers ang panalo sa pamamagitan ng mga free throw ni Mikey Cortez at tres ni Earl Abadam.
Nagtapos si Amos na may 17 puntos upang pangunahan ang La Salle sa krusyal na panalo, na nag-angat sa kanila sa 4-4 kartada.
Nag-ambag si Jan Macalalag ng 14 puntos, habang may 13 si Henry Agunnane, 12 si Andrei Dungo at 11 si Tovera.
Sa kabila ng matinding laban, nanatiling walang panalo ang Red Warriors matapos ang walong laro.
Nanguna si Toper Lagat para sa UE sa naiskor na 20 puntos, sinundan nina Lance Sabroso na may 18, Mo Tanedo na may 16 at Cole Cruz-Dumont na may 13.