LETRAN BALIK SA PORMA
NAKABAWI ang Colegio de San Juan de Letran Knights mula sa dalawang sunod na pagsemplang matapos na dominahin ang Lyceum of the Philippines Pirates, 96-86, sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Umangat ang Knights sa 4-2 sa Group B matapos matalo sa Arellano University Chiefs at defending champion San Beda University Red Lions sa kanilang nakaraang dalawang laro.
Nanguna si Johnsherick Estrada para sa Letran na may 25 puntos, habang nagposte si Jonathan Manalili ng double-double na 23 puntos at 12 assists. Nagsalansan si Denzil Sison-Walker ng 15 puntos, anim na rebounds at tatlong steals, habang may 12 puntos si Chad Gammad.
“This win is really important for our team morale,” ani Sison-Walker. “We didn’t want to dwell on our previous losses but we also couldn’t ignore the fact that we lost back-to-back. It was crucial that we got the win today.”
Maagang nakontrol ng Knights ang laro at hindi na binitawan ang kalamangan. Mula sa 22-20 na abante matapos ang first quarter, pinalaki nila ito sa 53-43 pagsapit ng halftime.
Lalong lumayo ang Letran sa third quarter at pumasok sa final canto na may 76-55 kalamangan. Hindi naman sumuko ang Pirates at nagpakawala ng 9-0 run para paliitin ang agwat sa 85-76, may 2:59 na lamang sa orasan.
Agad namang sumagot ang Knights nang magkasunod na umiskor sina Kevin Santos at Justin Cargo upang muling palobohin ang bentahe sa 89-76, may 2:19 pa sa orasan.
Nagkaroon naman ng injury scare ang Letran nang bumagsak nang alanganin si Manalili sa huliing 1:55 ng fourth quarter. Hinawakan niya ang kanyang kanang tuhod bago tinulungang makalabas ng court.
Pinangunahan ni Matthew Rubico ang Pirates sa 21 puntos, habang may 17 puntos at anim na rebounds si Roger Ondoa. Umiskor naman si MacLaude Guadana ng siyam. Laglag sila sa 1-5 marka.