NCAA: JRU BINOMBA ANG ARELLANO
BUMANAT ng matinding ratsada ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa endgame upang malusutan ang Arellano University Chiefs, 64-62, sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Abante ang Chiefs sa 62-58 sa huling minuto ng laro nang dumikit ang Heavy Bombers sa 61-62, matapos kumonekta ng three-pointer ni Laurence Mangubat.
Tuluyang naagaw ng Heavy Bombers ang lamang sa 64-62 mula sa dalawang free throws ni Sean Salvador at split free throw ni Chris Hubilla bago nagmintis ang Chiefs sa kanilang huling attempt.
Nanguna para sa Heavy Bombers sina Mangubat at Hubilla sa kanilang tig-14 puntos. Nag-ambag din ng siyam na rebounds, tatlong steals, at dalawang assists si Mangubat.
Tanging si T-Mc Ongotan ang nakaabot sa double digits para sa Chiefs sa kanyang 23 puntos at siyam na rebounds.
Nanatili sa ikalawang puwesto sa Group A ang Heavy Bombers na may 4-1 kartada, habang nahulog sa 4-2 ang Chiefs sa Group B.