Overtime

GILAS GIRLS TIKLOP SA SOUTH KOREA SA ASIA CUP

6 October 2026

NALASAP ng Gilas Pilipinas Girls ang ikalawang sunod na kabiguan sa FIBA Women’s U18 Asia Cup Division A matapos yumuko sa South Korea, 86-70, kahapon sa Karisma Arena sa Seremban, Malaysia.

Bumagsak sa 0-2 ang Pilipinas sa Group A matapos ang mabigat na 47-102 pagkatalo sa Australia sa unang laro.

Maganda ang naging simula ng Gilas laban sa South Korea at dikit ang labanan sa first quarter, kung saan lamang ang Koreans, 18-17, matapos ang unang 10 minuto.

Nag-iba ang takbo ng laro sa second quarter nang uminit ang opensa ng South Korea. Pinangunahan nina Yeonseo Lim at Sohee Lee ang kanilang opensiba para makabuo ng 48-32 kalamangan bago mag-halftime.

Sinubukan ng Pilipinas na makabawi sa second half ngunit hindi na nito nahabol ang malaking kalamangan ng South Korea.

Nanguna si Rhiane Perez para sa Gilas Girls matapos magtala ng 21 puntos, anim na rebounds, dalawang assists, isang block at isang steal.

Nag-ambag si Ruiza Olmos ng 15 puntos habang nagtapos si Grace Curley na may 10. May 11 puntos, apat na rebounds, tatlong assists, dalawang steals at isang block naman si Tiffany Reyes.

Pinangunahan ni Lim ang South Korea sa kanyang 30 puntos, anim na assists at tatlong steals, habang nagdagdag si Lee ng 25 puntos at pitong rebounds.

May pagkakataon ang Gilas Girls na makuha ang kanilang unang panalo sa torneo ngayong gabi kontra kapwa winless na New Zealand.