Overtime

YAPE SUMIPA NG GOLD; PAALAM NAGKASYA SA SILVER

3 October 2026

IBINIGAY ni Jeus Gabriel Derick Yape ang ika-4 na gold medal ng Pilipinas sa  2026 Asian Games kahapon sa Nagoya, Japan.

Pinataob ni Yape si Ngoc Tuyet Sang ng Vietnam, 2-0, sa mixed individual virtual taekwondo finals nitong Biyernes sa Toyohashi Gymnasium.

Naging dominante ang University of Santo Tomas standout sa dalawang round. Kinuha niya ang unang round, 500-0, bago sinelyuhan ang panalo sa second round, 620-0.

Nagtapos si Yape na may 1,120 health points habang walang naiwan kay Sang. Nakapagtala rin siya ng 21 total kicks, kabilang ang limang head kicks, at limang blocks.

Bago umabot sa finals, dinaig ni Yape si Saudi Arabia’s Dunya Saber, 2-1, sa Round of 16; tinalo si Japan’s Hayate Suzuki, 2-0, sa quarterfinals; at nilampaso si Kazakhstan’s Rita Bakisheva, 2-0, sa semifinals.

Ito na ang ikalawang medalya ni Yape sa kasalukuyang Asian Games matapos niyang masungkit ang bronze medal sa men’s individual poomsae noong Huwebes.

Samantala, nagdagdag naman ng silver medal sa kampanya ng Pilipinas si Filipino boxer Carlo Paalam matapos siyang yumuko kay Japanese hometown bet Rui Yamaguchi sa men’s 55-kilogram gold medal match.

Naging limitado ang opensiba ni Paalam sa unang dalawang rounds bago niya pinasiklab ang kanyang atake sa huling round. Hindi na ito sapat para mabago ang resulta, dahil tatlo sa limang judges ang pumabor kay Yamaguchi.

Nagdagdag din ng dalawang silver medals ang Philippine teakwondo team mula kina Tachiana Mangin sa women’s -49 kilogram at Kurt Barbosa sa men’s -58 kilogram categories.

Kinapos si Mangin kontra  Ma Jingyue ng China, 2-0, sa gold medal match, habang ganito rin ang sinapit ni Barbosa kontra kay Tamirlan Tleules ng Kazakhstan, 2-0, sa hiwalay na finals match.

Sa women’s beach volleyball, nakabawi  ang Alas Pilipinas tandem nina Sofiah Pagara at Khylem Progella upang masungkit ang bronze medal matapos talunin ang Chinese pair nina Shuting Cao at Jie Dong, 13-21, 23-21, 15-13.

Matapos mabigo sa opening set, bumawi ang mga Pinay sa second frame upang itulak ang laban sa deciding set.

Sa third set, nakahabol sina Pagara at Progella mula sa apat na puntos na kalamangan ng China bago kinumpleto  ang comeback para makuha ang bronze.

Ang medalya ang pinakamagandang Asian Games finish ng Pilipinas sa women’s beach volleyball mula nang unang isama ang sport sa programa ng 1994 Hiroshima Games.

Samantala, nasungkit ni Jenna Kaila Napolis ang bronze medal sa women’s jiu-jitsu -52kg category matapos talunin si Tsagaanbileg Altangerel ng Mongolia, 2-0, sa laban para sa ikatlong puwesto.