BACK-TO-BACK ASIAN GAMES GOLD KAY OBIENA
NAPANATILI ni Ernest John “EJ” Obiena ang kanyang korona sa Asian Games matapos makopo ang gold medal sa men’s pole vault kagabi sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium sa Nagoya, Japan.
Naitala ng Filipino pole vaulter ang bagong Asian Games record na 5.91 metro upang makuha ang kanyang ikalawang sunod na gold medal sa continental Games.
Ito rin ang ikatlong gold medal ng Pilipinas sa Aichi-Nagoya Games, kasunod ng dalawa mula kay gymnast Carlos Edriel Yulo sa floor exercise at vault.
Sinimulan ni Obiena ang kanyang kampanya sa 5.50 metro at agad niya itong nalampasan sa unang pagtatangka. Nilaktawan niya ang 5.60 metro bago umakyat sa 5.70 metro, na nalampasan din niya.
Matagumpay niyang nalampasan ang 5.75 metro sa unang pagtatangka bago sumubok sa 5.80 metro.
Dalawang beses siyang nabigo sa 5.80 metro bago muling itinaas ang bar at tuluyang nalampasan ang 5.91 metro para sa bagong Asian Games record.
Kapwa nagtapos sa 5.75 metro sina Chinese vaulters Yao Jie at Li Chenyang para sa silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nasungkit ni Filipina-American sprinter Victoria Bossong ang bronze medal sa women’s 800-meter run matapos itala ang oras na 2:05.34.
Nakopo ni China’s Hongjian Wu ang gold, habanc silver naman ang naiuwi ni Nelly Korir ng Bahrain.
Samantala, nagdagdag ang Pilipinas ng silver medal sa sepak takraw matapos magtapos sa ikalawang puwesto ang women’s doubles team.
Nabigo sina Jean Marie Sucalit at Negrense Abegail Sinogbuhan, kasama si Nelly Jay Salon bilang substitute, sa Vietnam, 15-8, 15-4, sa finals sa Nagoya City Mizuho Park Gymnasium.
Nahirapan ang Philippine pair na makasabay sa Vietnam matapos unti-unting makalamang ang kalaban sa kalagitnaan ng first set.
Hindi na nakabawi ang Pilipinas at nagpatuloy ang momentum ng Vietnam sa second set, kung saan agad itong nakakuha ng kalamangan hanggang tuluyang maselyuhan ang panalo.
Para kay Sinogbuhan, tubong Sagay City, Negros Occidental, halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman matapos makamit ng kanilang koponan ang silver medal na hindi nila inaasahan bago ang torneo.
“Mixed emotions po kasi hindi talaga namin ine-expect na makaka-abot kami sa finals. Talagang hiniling nalang namin kay Lord na sana this Asian Games makakuha kami ng medalya kahit any color. Pero natapos po itong doubles event namin, binigay sa amin ni Lord itong silver medal. Sobrang sarap sa pakiramdam,” ani Sinogbuhan.
Ito na ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa sepak takraw sa Aichi-Nagoya Games. Nauna nang nakakuha ng bronze ang men’s regu team matapos umabante sa semifinals.
Ipinahayag naman ni Sepak Takraw Pilipinas president Karen Tanchanco-Caballero ang kanyang pagmamalaki sa koponan, na aniya’y bunga ng ilang taong paghahanda at sakripisyo.
“Nothing but great pride and honor. All their hardworks not just months but years leading to this. We needed this break for a long time. I’m just so proud, that’s why I was very specific that I wanted to really sit beside them as team manager, not as an NSA President. Because I want to share this journey with them. All the sacrifices that the’ve been through,” ani Caballero.
Sa surfing, nakakuha rin ng bronze si Jayuard Alciso sa men’s shortboard matapos manaig sa kapwa Pinoy na si Toby Espejon sa bronze medal match sa Pacific Long Beach sa Tahara, Aichi.
Nagtala si Alciso ng kabuuang 11.64 puntos mula sa dalawang alon na may scores na 6.67 at 4.97.
Nagtapos naman si Espejon sa 8.90 matapos makakuha ng 4.83 at 4.07 mula sa kanyang mga alon.
Nagharap ang dalawang Pinoy sa bronze medal match matapos silang kapwa mabigo sa semifinals.
Tinalo si Alciso ni Indonesia’s Ariyana I Made Pajar, habang nabigo naman si Espejon laban sa Japanese surfer na si Kanoa Igarashi.