NCAA: CARDINALS PINAAMO ANG RED LIONS
NAKOPO ng Mapúa University Cardinals ang kanilang unang panalo sa NCAA Season 102 matapos silatin ang defending champion San Beda University Red Lions, 55-54, kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Tila selyado na ng Red Lions ang laro matapos magtayo ng 54-49 kalamangan sa mga huling minuto, ngunit binago ni Jamal Diaz ang takbo ng laban sa pamamagitan ng sunod-sunod na malalaking tira.
Umiskor si Diaz ng anim na magkakasunod na puntos, kabilang ang dalawang tres, para ibigay sa Cardinals ang 55-54 bentahe, may 12.4 segundo na lamang sa orasan.
Hindi na nakabawi ang San Beda sa nalalabing oras, dahilan upang makamit ng Mapúa ang unang panalo nito matapos ang tatlong sunod na pagkatalo. Umakyat sa 1-3 ang Cardinals sa Group A.
Nagtapos si Diaz na may walong puntos at limang rebounds.
Nanguna sa opensa ng Cardinals si Cyrus Cuenco na may 19 puntos at apat na rebounds matapos bumuslo ng 6-of-10 mula sa field.
Nahulog sa 2-2 ang San Beda matapos ang pagkatalo.
Nanguna naman si RC Calimag para sa Red Lions sa kanyang 18 puntos, habang nagdagdag sina Lawrence Hawkins at Sean Torculas ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.