ALAS MEN WINALIS NG CHINA, SIBAK SA MEDAL CONTENTION
NABIGO ang Alas Pilipinas Men sa kanilang ikalawang sunod na laro sa 2026 Asian Games matapos walisin ng China, 25-21, 25-20, 25-22, kahapon sa Park Arena Komaki sa Aichi, Japan.
Bagama’t ilang ulit na nagbanta ang Pilipinas na makabalik sa laro, nanatiling kalmado ang China sa mga krusyal na bahagi ng bawat set upang makumpleto ang straight-set victory.
Nanguna si Bryan Bagunas para sa Alas na may 15 puntos mula sa 12 attacks at tatlong service aces. Nag-ambag naman si Leo Ordiales ng 11 puntos mula sa walong attacks, dalawang aces at isang block.
Para sa China, bumida si Wen Zihua na may 10 puntos.
Mas mataas ang naging produksiyon ng Pilipinas sa attacks, 42-31, ngunit nahirapan ang Alas na makalusot sa matibay na net defense ng China. Nagtala ang Chinese side ng 12 blocks kumpara sa anim ng Pilipinas.
Naging malaking problema rin para sa Alas ang errors matapos itong makagawa ng 28, malayong mas marami kumpara sa siyam ng China.
Nakapagtala ang Pilipinas ng anim na service aces laban sa apat ng China, ngunit nagkaroon din ito ng 10 service faults, habang tatlo lamang ang naitala ng kalaban.
Sa digs, nagtapos ang Alas na may 12kumpara sa siyam ng China.
Dahil sa pagkatalo, bumagsak ang Pilipinas sa 0-2 at tuluyan nang nawala ang tsansa nitong makapasok sa quarterfinals.
Isasara ng Alas Pilipinas ang preliminary round kontra Chinese Taipei, kung saan target ng koponan na makakuha ng panalo bago tuluyang tapusin ang kanilang kampanya sa torneo.