Overtime

V-LEAGUE SEMIS CAST KINUMPLETO NG UST

28 September 2026

INANGKIN ng University of Santo Tomas ang huling semifinals berth matapos walisin ang College of Saint Benilde, 25-23, 25-16, 25-16, sa 2026 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Kinailangan munang pagdaanan ng Golden Tigresses ang dikit na unang set bago tuluyang kontrolin ang sumunod na dalawang frames at gamitin ang kanilang depensa upang pigilan ang Lady Blazers.

Nanguna si Marga Altea para sa UST na may 15 puntos mula sa 11 attacks, tatlong blocks at isang ace. Nagdagdag din siya ng apat na excellent receptions.

Nagpakitang-gilas naman si team captain Reg Jurado na nagtala ng double-double na 14 puntos at 11 digs, habang may walong puntos, walong digs at limang excellent receptions si Angge Poyos.

Nagtapos ang Benilde sa 2-5 rekord. Si Cam Bartolome ang nagdala sa opensa ng Lady Blazers matapos magtala ng 13 puntos.

Samantala, tinapos ng Adamson University Lady Falcons ang elimination round bilang top seed matapos walisin ang San Beda University Lady Red Spikers, 26-24, 25-19, 25-19.

Tumapos ang Lady Falcons sa 6-1 kartada matapos malusutan ang dikit na unang set at tuluyang kontrolin ang sumunod na dalawang frames.

Nagbida si Frances Mordi na may match-high na 17 puntos mula sa 15 attacks, isang block at isang ace. Mayroon din siyang pitong excellent receptions.

May 13 puntos at siyam na excellent receptions si Joy Aseo, habang nagdagdag si Lhouriz Tuddao ng siyam na puntos at pitong digs.

Nagtapos ang San Beda sa 3-4 kartada at isang panalo lamang ang layo sa Final Four. Nanguna si Daisy Cagas para sa Lady Red Spikers na may walong puntos, habang nagdagdag si Khim Culanay ng anim na puntos sa dalawang set na kanyang nilaro.