Overtime

TAMARAWS SINUWAG ANG RED WARRIORS

27 September 2026

NAIPOSTE ng Far Eastern University Tamaraws ang unang panalo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament matapos pataubin ang University of the East Red Warriors, 93-70, kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Agad na kinontrol ng Tamaraws ang tempo ng laro at nagtayo ng 23-15 kalamangan matapos ang first quarter bago ito pinalobo sa 43-29 sa halftime.

Lalong kumawala ang Tamaraws sa second half matapos nitong ma-outscore ang Red Warriors, 22-15, sa third quarter at itinarak ang pinakamalaking 29 puntos na kalamangan.

Pinangunahan ni Mo Konateh ang Tamaraws sa 15 puntos at siyam na rebounds, habang parehong nagdagdag ng 13 puntos sina Kirby Mongcopa at Jorick Bautista.

May tig-12 puntos naman sina Jedric Daa at Janrey Pasaol para umangat ang Tamaraws sa 1-1 kartada.

Nanguna si Toper Lagat para sa UE sa 20 puntos, habang tumipa ng 16 puntos si Mo Tanedo at 13 si Gene Carillo. Lagapak sa 0-3 ang koponan na ginagabayan ni interim coach Paolo Hubalde.

Sa unang laro, bumangon mula sa kanilang unang talo ang Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos na takasan ang Adamson University Falcons, 73-68, para sa solo second place.

Pinangunahan ni Jared Bahay ang Blue Eagles sa kanyang all-around performance matapos magtala ng 18 puntos, anim na rebounds at limang assists upang itulak ang Ateneo sa ikalawang panalo sa tatlong laro.

Nag-ambag si Travis Roberts ng 14 puntos, habang may 10 puntos si Ian Espinosa upang punan ang malamyang laro ni rookie Kieffer Alas na nagtapos na may pitong puntos mula sa 3-of-14 shooting.

Nanguna si Precious Jonah para sa Adamson na may 17 puntos, habang nagtala ng tig-12 puntos sina Matt Edding at Ray Allen Torres. Nahulog sila sa 1-1 kartada.