Overtime

V-LEAGUE ‘FINAL 4’ BID PINALAKAS NG UE

20 September 2026

NANATILING buhay ang pag-asa ng University of the East Lady Warriors na makapasok sa semifinals matapos walisin ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-23, 25-20, 25-18, sa 2026 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Umakyat sa 3-3 ang Lady Red Warriors at umangat sa ikaapat na puwesto sa standings matapos makuha ang pinakamataas na puntos mula sa straight-set victory.

Malaking bagay para sa UE ang pagtatapos ng laro sa tatlong sets matapos sumailalim ang koponan sa ilang mahahabang five-set matches sa torneo.

Pinangunahan ni Van Bangayan ang Lady Warriors matapos magtala ng 19 puntos mula sa 13 kills, tatlong blocks at tatlong service aces.

“Ang goal namin is maka-three sets or four talaga. Kasi, Diyos ko, ‘yung mga games namin puro five sets. Kailangan naman naming maka-uwi nang maaga at makapahinga, maka-recover para sa susunod na training, kasi may last game pa kasi,” ani team captain at libero Angge Reyes, na may 16 digs at walong excellent receptions.

Nagdagdag si Janessa Buhay ng 10 puntos, habang nagtala ng apat na puntos at 10 excellent sets si setter Sofia Arasan.

“Kakayanin namin at magtatrabaho lang kami sa mga training namin. Kung ano man maging resulta, it’s OK for us. No pressure naman for us, from our coaches. Pero as players, gusto naming makakuha ng semis,” dagdag ni Reyes.

Samantala, walang nakapagtala ng double-digit scoring para sa Letran. Nanguna si Kaizah Huyno sa Lady Knights sa siyam na puntos, habang may pitong puntos si Judiel Nitura.