UAAP: ATENEO, UP AGAWAN SA LIDERATO
Standing Ateneo 1 0 UP 1 0 AdU 1 0 UST 1 1 DLSU 1 1 NU 0 1 FEU 0 1 UE 0 1 Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum) 3 p.m. – NU vs UE 5:30 p.m. – Ateneo vs UP
MAGHAHARAP ang Ateneo de Manila University Blue Eagles at University of the Philippines Fighting Maroons sa panibagong yugto ng “Battle of Katipunan” sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang salpukan ng Blue Eagles at Fighting Maroons sa alas-5:30 ng hapon. Bago ito, magtutuos sa alas-3 ng hapon ang National University Bulldogs at University of the East Red Warriors, na kapwa hangad makabangon mula sa pagkatalo sa unang laro.
Unang malaking pagsubok ng Ateneo ang UP, na agad nagpakita ng kakayahang makipagsabayan sa mga contender kahit wala na ang dating “Maroon 5” core nito.
Sa unang laro ng season, tinalo ng Fighting Maroons ang preseason favorite na University of Santo Tomas Growling Tigers, 92-85, sa pangunguna nina Nigerian big man Francis Nnoruka at Noy Remogat.
“The whole year, lahat naman nagta-trabaho. I believe this group din has its own identity din as a team,” ani UP head coach Goldwin Monteverde.
“‘Yung experience na na-gain nila every game really matters. They’ve been together for a lot of games. So far, while the team’s working together, nadedevelop na nila yung chemistry. At the same time, everybody’s really committed to really working and improving,” dagdag niya.
“There’s a lot of things to learn from as we go along in the tournament. ‘Yung everyday namin, put up the same commitment that we did the whole year. Just focus on growing whether from a win or loss, tignan natin kung ano yung mga mali ano yung mga kailangan baguhin. Basta kami, tuloy tuloy lang,” aniya.
Para naman sa Ateneo, ang laro kontra UP ay bahagi ng kanilang pagbangon matapos ang trahedyang sinapit ng koponan noong offseason.
Dinurog ng Blue Eagles ang University of the East, 101-74, noong Miyerkoles sa kanilang unang laro sa season na inilaan sa alaala nina Divine Adili at Rene Baterbonia, na nasawi sa insidente ng pagkalunod habang nasa team-building activity sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8.
Ayon kay assistant coach RJ Jazul, mas naging matatag at mas nagkaisa ang mga manlalaro habang patuloy nilang hinaharap ang emosyonal na epekto ng insidente.
“I think it says a lot about the players’ willingness. Siyempre, sabi nga, though everything that happened to them, we still fight it out. Siyempre hindi mawawala yung emotional na baggage ng mga bata, and mentally. But still, they keep on climbing every day with hard practices. They’re all going hard,” ani Jazul.
“Considering what happened, as coaches and sa community namin, sila yung toughest players dito. Yung tragedy na nangyari, you can’t top that as an experience. Every day, nakikita namin as coaches na nagiging close yung mga bata. Mas naging close sila. Siyempre, we cannot do this without the help of loved ones, family. Siyempre, we dedicate this to Divine and Rene,” dagdag niya.
Target ng Ateneo na makabalik sa Final Four matapos ang dalawang season na hindi nakapasok sa semifinals.
Samantala, susubukang makabawi ng NU mula sa dikit na 89-87 pagkatalo sa defending champion na De La Salle University Green Archers.
Para sa UE, pagkakataon ang laban upang maputol ang 21-game losing streak nito sa UAAP na nagsimula pa noong second round ng Season 87 noong 2024.
Masakit din ang naging simula ng Red Warriors matapos silang tambakan ng Ateneo ng 27 puntos—ang pinakamalaki nilang pagkatalo mula noong Season 84 bubble, nang pataubin sila ng Far Eastern University, 91-61, noong Abril 23, 2022. ADRIAN CO