Overtime

ADAMSON, UST PASIKLAB SA V-LEAGUE COLLEGIATE CHALLENGE

17 August 2026

MATIKAS ang naging simula ng Adamson University Lady Falcons at University of Santo Tomas Golden Tigresses sa 2026 V-League Collegiate Challenge matapos nilang walisin ang kani-kanilang katunggali kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Pinataob ng defending champion Lady Falcons ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-21, 25-18, 25-22, habang nilampaso naman ng Golden Tigresses ang San Beda University Lady Red Spikers, 25-15, 25-16, 25-19.

Sa pagkawala ni reigning UAAP Most Valuable Player Shaina Nitura, nanguna para sa Adamson si Nigerian outside hitter Frances Mordi na kumamada ng 20 puntos mula sa 16 kills, dalawang service ace at isang block.

Mahalaga ang naging ambag ni Mordi sa second set bago niya tinapos ang laban sa pamamagitan ng block sa third set.

Nagdagdag si Lana Barrera ng 12 puntos habang pumalit kay Nitura sa loob ng dalawang set, at nag-ambag naman si Lhouriz Tuddao ng siyam na puntos sa kanyang debut bilang opposite hitter.

Nagtala si Cyrille Almeñiana ng walong puntos para sa Lady Altas, ngunit napigilan siya ng matatag na depensa ng Lady Falcons.

Samantala, kontrolado ng UST ang laro laban sa San Beda mula simula hanggang dulo.

Nanguna para sa Golden Tigresses si middle blocker Em Banagua na may siyam na puntos, habang may pitong puntos si Ash Knop. Tig-anim naman ang ambag nina Angge Poyos at Marga Altea.

Nagtala sina setters Cassie Carballo at Ar Waje ng pinagsamang  16 excellent sets, habang nagtala si Sandrine Escober ng anim sa kabuuang 17 excellent receptions ng UST.

Malaki rin ang naging epekto ni Kim Rubin matapos siyang ipasok sa third set upang patatagin ang depensa ng Golden Tigresses bago niya naitala ang match-clinching point.

Tumapos si Rubin na may anim na puntos, lahat mula sa attacks, bukod pa sa tatlong digs at dalawang excellent receptions.

Samantala, nanguna para sa San Beda si Daisy Cagas na may 13 puntos, habang may siyam si Aiezel Parumog. Gayunman, naging malaking problema sa Lady Red Spikers ang 25 errors na nagbigay-daan sa straight-set loss. ADRIAN CO