DELOS SANTOS BUMUHAT NG 3 GINTO, NAGTALA NG BAGONG RECORDS SA ASIAN WEIGHTLIFTING TILT
NAGHATID ng panibagong karangalan sa Pilipinas si Albert Ian Delos Santos matapos mag-uwi ng tatlong gintong medalya at magtala ng bagong junior records sa 2026 Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Nangibabaw ang 19-anyos na tubong Zamboanga City sa men’s 70-kilogram junior division matapos dominahin ang tatlong medal events.
Bumuhat si Delos Santos ng 141 kilos sa snatch at 180 kilos sa clean and jerk para sa kabuuang 321 kilos, sapat upang makuha ang ginto sa lahat ng tatlong kategorya.
Lalong naging espesyal ang kanyang panalo sa snatch dahil ito ang unang pagkakataon na nakakuha siya ng gintong medalya sa naturang event.
Samantala, ang kanyang 180-kilogram na clean and jerk ay nagresulta sa bagong junior world at Asian records sa 70kg division.
Sumalang si Delos Santos sa torneo bilang isa sa mga pangunahing batang weightlifter ng bansa matapos siyang magtakda ng junior world record na 187 kilo sa clean and jerk sa 2026 IWF World Junior Weightlifting Championships sa Ismailia, Egypt noong Mayo.
Sa kabuuan, umabot na sa 16 ginto, anim na pilak at siyam na tanso ang naipon ng Pilipinas sa Asian Youth and Junior Championships sa Tashkent.
Tututok ngayon si Delos Santos sa kanyang susunod na malaking hamon—ang 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, na nakatakda sa susunod na buwan.