Overtime

2 GINTO TINUHOG NG TEAM PH SA SEAFF JUNIOR FENCING CHAMPIONSHIPS

13 August 2026

NAG-UWI ang Pilipinas ng dalawang gintong medalya sa junior division ng 2026 Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Cadet and Junior Championship sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nasungkit ng women’s foil team nina Victoria Ebdane, Willa Galvez at Jodie Tan ang unang ginto matapos talunin ang Vietnam, 44-37, sa finals sa Arena TSH OCM.

Bago umabante sa championship round, ginapi ng Philippine Team A ang mga kababayan  na bumubuo sa Team B na sina Yuna Canlas, Hadia del Castillo at Victoria Malvar, 29-28, sa dikit na semifinals.

Malaki ang naging ambag ni Galvez sa finals matapos dominahin si Nguyen Thi Anh Thu, 10-1, sa ikaapat na bout. Dahil dito, lumobo ang lamang ng Pilipinas mula 9-6 tungo sa 19-7.

Nagtala ng 21 puntos si Galvez, habang nagdagdag sina Ebdane at Tan ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nakuha rin ng Pilipinas ang ginto sa men’s saber team event matapos pangunahan nina national team member Khiane Felipe, Vito Coching, Drake Chung at Matthew General ang 45-40 panalo kontra Thailand sa finals.

Bukod sa dalawang gold medals, nagwagi rin ang Pilipinas ng dalawang pilak at apat na tanso.

Nakopo nina Estelliah Gilliana, Hailey Sophia Peters, Arianna Tiu at Nadelle Turiano ang pilak sa women’s saber team event.

Nagdagdag naman ng tanso si Oscar del Castillo sa men’s team epee matapos ang kanyang pilak sa individual epee. Kasama niya sa bronze-winning team sina Joaquin De Silos, Jacob Mayo at Boo Geronimo.

Nag-uwi rin ng tanso ang Philippine Team B sa women’s foil, habang nakakuha ng medalya sina Rhiana Cruz, Eleina Junia, Faith Olemos at Papina Torre sa women’s epee.

Nakuha rin nina Inigo Divinagracia, Lucas Palafox, Jethro Chan at Elijah Timbol ang tanso sa men’s foil.

Bukod sa kanyang ginto sa team event, nakakuha rin si Galvez ng pilak sa individual women’s foil noong Lunes.

Tinalo niya si Singapore’s Sita Naidu Maaravis, 15-14, sa quarterfinals bago yumuko sa eventual champion na si Suraya Rizzal ng Malaysia, 15-8, sa semifinals. ADRIAN CO