BALDWIN, ATENEO PINAGMULTA NG TIG-P4.9-M
PINATAWAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng magkahiwalay na multa si dating Ateneo de Manila University coach Tab Baldwin at ang mismong unibersidad dahil sa mga paglabag na may kinalaman sa employment permits ng American-New Zealander coach.
Si Baldwin ay pinagmumulta ng P4.9 milyon dahil sa kabiguang makakuha ng kinakailangang certificate of exemption mula sa Alien Employment Permit (AEP) requirement.
Pinagmulta rin ng DOLE ng P4.9 milyon ang Ateneo dahil sa pagtatrabaho ni Baldwin sa unibersidad nang walang kaukulang permit.
Maaari ring humarap si Baldwin sa immigration proceedings kasunod ng desisyon ng DOLE. Ire-refer ng kagawaran ang kaso sa Bureau of Immigration para sa posibleng summary deportation proceedings kaugnay ng kanyang pagtatrabaho sa Pilipinas nang walang kumpletong kinakailangang dokumento.
Sinabi naman ng mga abogado ni Baldwin at ng Ateneo na pag-aaralan nila ang mga legal na remedyo na maaari nilang gawin kasunod ng desisyon.
Nag-ugat ang kaso sa mga isyu sa employment documentation ni Baldwin noong nagsisilbi pa siyang head coach ng Ateneo.
Ang aksiyon ng DOLE ay kasunod ng masusing pagsusuri sa Ateneo matapos mamatay noong Hunyo 8 sina student-athletes Rene Clert Baterbonia at Divine Adili sa isang off-campus team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Hiwalay ang usapin sa employment permits sa patuloy na mga imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay nina Baterbonia at Adili.