GILAS BOYS PASOK SA FIBA 3×3 U23 WORLD CUP
NAKAKUHA ng tiket ang Gilas Pilipinas Under-21 Boys sa 2026 FIBA 3×3 U23 World Cup matapos ang dominanteng performance sa 3×3 Nations League Asia 2 na ginanap sa Petaling Jaya, Malaysia.
Nagtapos ang Gilas Boys sa ibabaw ng standings na may 520 puntos, 50 puntos na mas mataas kaysa Japan. Umabot ang koponan sa finals sa lima sa anim na yugto ng torneo at nasungkit ang tatlong kampeonato upang matiyak ang kanilang tiket sa World Cup.
Ito ang kauna-unahang paglahok ng Pilipinas sa FIBA 3×3 U23 World Cup mula pa noong 2018.
Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director Erika Dy, bunga ito ng tuloy-tuloy na pagpapaunlad ng pederasyon sa programa ng 3×3 basketball at ng suporta ng iba’t ibang katuwang nito.
“Earlier this year, our Gilas Pilipinas 3×3 Women ended an eight-year drought to make it back to the FIBA 3×3 World Cup. Now the boys’ team will also end their own eight-year drought to make it back to the FIBA 3×3 U23 World Cup,” ani Dy.
“This achievement is further proof that Filipinos are world-class not just in basketball but also in 3×3. With the support of our sponsors and the commitment of stakeholders, the SBP will continue to put our athletes in positions to succeed.”
Nagpasalamat din si SBP 3×3 Program Director Ryan Gregorio sa mga paaralan, coach at opisyal na pinayagang makalaro para sa pambansang koponan ang kanilang mga manlalaro.
“On behalf of the SBP 3×3 program, I would like to extend our deepest gratitude to the schools, coaches, and team officials who supported Gilas Pilipinas 3×3 by allowing their players to represent the country,” ani Gregorio.
Partikular niyang kinilala sina FEU Athletic Director Mark Molina at head coach Sean Chambers sa paglipat ng iskedyul ng training camp ng Tamaraws sa Estados Unidos upang makalaro sina Cabs Cabonilas at Jedric Daa.
Pinasalamatan din niya sina San Miguel Corporation Sports Director Alfrancis Chua at UST head coach Pido Jarencio sa pagpapahiram kay Koji Buenaflor, si Adamson coach Nash Racela sa pagpayag na maglaro si Earl Medina, at sina San Beda team manager Jude Roque at head coach Yuri Escueta sa pagpapahiram kay Jhun Dela Rama sa Gilas habang nasa residency.
Matapos magtapos bilang runner-up sa unang yugto at mabigo sa ikalawang stop, bumawi ang Gilas Boys sa pamamagitan ng sunod-sunod na kampeonato sa Stops 3, 4 at 5 bago tuluyang sinelyuhan ang kabuuang kampeonato at ang tiket sa World Cup.
Gaganapin ang 2026 FIBA 3×3 U23 World Cup sa Wuhan, China mula Setyembre 15 hanggang 19.