Overtime

UST NO. 1 SEED SA SHAKEY’S COLLEGIATE TOURNEY SEMIS

23 July 2026

NAKOPO ng University of Santo Tomas ang No. 1 seed sa semifinals matapos walisin ang Australian guest team na Southern Storm Melbourne, 25-20, 25-14, 25-9, sa 2026 Shakey’s Super League Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Umangat ang Golden Tigresses sa 4-0 kartada at tiniyak ang pangunguna sa pagtatapos ng elimination round. Naputol din nila ang tatlong sunod na panalo ng Southern Storm, na bumagsak sa 3-1.

Pinangunahan ni Angge Poyos ang UST sa naitalang 14 puntos mula sa 13 attacks at isang service ace, habang nagdagdag si Regina Jurado ng walong puntos sa kanyang unang laro sa torneo matapos lumiban  sa unang tatlong laro.

“Grateful kasi nakuha namin itong panalo na ito in straight sets. Matatangkad yung mga kalaban and nu’ng first set parang kinakapa ko pa,” ani Poyos.

“Inaral ko naman na magamit, na ginagawa naman namin sa training, which is ipa-check ball yung bola, lalo na ‘yung mga blockers matatangkad,” dagdag niya.

Nag-ambag  si Marga Altea ng walong puntos, habang mahusay na pinatakbo ni setter Arlene Waje ang opensa ng UST sa kanyang walong excellent sets.

Tuluyang tinapos ng Golden Tigresses ang laban sa ikatlong set nang magpakawala ng 14-1 ratsada upang palobohin ang apat na puntos na bentahe sa 24-7 bago isinara ni Bianca Plaza ang laban sa pamamagitan ng quick attack.

Nanguna sa Southern Storm si Cleo Anastasias na may siyam na puntos, habang may anim at limang puntos sina Isabella Smith at Steph Baker, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, nanatiling buhay ang pag-asa ng Enderun Colleges na makapasok sa Final Four matapos walisin ang Ho Chi Minh City Volleyball Club, 25-16, 29-27, 25-16.

Umangat ang Lady Titans sa 1-3 kartada, habang nanatiling walang panalo ang koponan mula Vietnam sa 0-4.

Pinangunahan ni Althea Botor ang Enderun sa kanyang 14 puntos mula sa 12 attacks, isang block at isang ace. Nagdagdag sina Michaella Ma ng 11 puntos at Ederlyn Alba ng 10.

Sa panig ng Ho Chi Minh City, nagtala si Le Thi Diem Phoung ng 20 puntos, habang may siyam at walong puntos sina Hua Mai Phuong at Thach Thi Thai Nhi, ayon sa pagkakasunod.