TIGRESSES 3-0 NA SA SHAKEY’S SUPER LEAGUE
NANATILING walang bahid ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, habang nakabawi naman ang De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers sa pagpapatuloy ng 2026 Shakey’s Super League Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Naiposte ng Golden Tigresses ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos walisin ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-22, 25-17, 25-13.
Umangat ang UST sa 3-0 kartada upang manatiling nangunguna sa torneo, habang bumagsak ang Letran sa 1-2.
Itinanghal na Most Valuable Player of the Match si Erica Gutierrez matapos magtala ng walong puntos mula sa anim na attacks at dalawang blocks.
Samantala, nakabawi ang Lady Blazers mula sa pagkatalo sa unang set upang pataubin ang Enderun Colleges Lady Titans, 21-25, 27-25, 25-18, 25-22.
Matapos maagaw ng Enderun ang unang set, ipinakita ng Lady Blazers ang tibay ng kanilang depensa at opensa upang maagaw ang sumunod na tatlong set at maselyuhan ang kanilang ikalawang panalo sa torneo.
Pinangunahan ni Mhonniecka Joyce Soliven ang Lady Blazers sa pagkamada ng 20 puntos mula sa 18 attacks at dalawang service aces, dahilan upang hiranging Most Valuable Player of the Match.
Sa panalo, umangat ang Lady Blazers sa 2-1 kartada, habang nanatiling walang panalo ang Lady Titans sa 0-3.