Overtime

UST, SOUTHERN STORM MAINIT ANG SIMULA SA SSL

20 July 2026

DINISPATSA ng University of Santo Tomas at Southern Storm Melbourne ang kani-kanilang katunggali sa pagbubukas ng 2026 Shakey’s Super League Collegiate National Invitationals kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Hindi pinatagal ng UST Golden Tigresses ang kanilang pambungad na asignatura matapos walisin ang Enderun Colleges Lady Titans, 25-18, 25-17, 25-13, sa preliminary round.

Mula umpisa hanggang dulo ay kontrolado ng UST ang laban sa pamamagitan ng balanseng opensa at matatag na depensa sa net upang makuha ang kanilang unang panalo sa torneo.

Itinanghal na Most Valuable Player of the Match si sophomore Ashlee Dianne Knop matapos magtala ng walong puntos mula sa anim na attacks at dalawang blocks.

Samantala, matagumpay ring sinimulan ng Southern Storm Melbourne ang kanilang kampanya matapos pataubin ang NCAA Season 101 champion Colegio de San Juan de Letran, 26-24, 25-21, 25-19.

Matapos ang dikitang unang set, tuluyang nakontrol ng koponan mula Australia ang sumunod na dalawang set upang makumpleto ang straight-set victory laban sa Lady Knights.