Overtime

UST KAMPEON SA SHAKEY’S JUNIORS

19 July 2026

NAGPAKITA ng matinding katatagan ang University of Santo Tomas Junior Golden Tigresses upang pataubin ang St. John’s Institute-Bacolod Falcons, 25-19, 25-23, 23-25, 18-25, 19-17, at tanghaling kampeon sa 2026 Shakey’s Super League Juniors National Invitationals kagabi sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Tila nasa bingit na ng kabiguan ang Junior Golden Tigresses nang mapag- iwanan sa 7-12 sa ikalimang set. Gayunman, nakabangon ang UST sa pamamagitan ng sunod-sunod na mahahalagang puntos bago tuluyang maiselyo ang panalo sa mahigpit na 19-17 pagtatapos.

Nauna nang angkinin ng UST ang unang dalawang set, ngunit gumanti ang St. John’s Institute-Bacolod sa pamamagitan ng pagwawagi sa ikatlo at ikaapat na set upang maitulak ang laban sa winner-take-all fifth set.

Pinangunahan ni Nicole Pelaez ang Junior Golden Tigresses sa naitalang 27 puntos mula sa 24 attacks, dalawang blocks at isang ace upang tanghaling Most Valuable Player of the Match.

Nakumpleto ng UST ang matagumpay nitong kampanya matapos walisin ang buong torneo, mula sa elimination round hanggang semis bago tuluyang angkinin ang kampeonato.

Samantala, nasungkit ng Arellano University High School ang bronze medal matapos talunin ang One La Salle, 19-25, 25-15, 25-20, 25-19, sa third-place match.