ALAS PLAYERS ‘OUT’ SA PVL ON TOUR
HINDI papayagang maglaro sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour Showdown ang mga player na opisyal na bahagi ng Alas Pilipinas para sa isang international tournament, o yaong mga aktibong kalahok sa mga opisyal na aktibidad ng pambansang koponan,
Nilinaw ng PVL na tanging ang mga national team player na hindi kabilang sa isang opisyal na delegasyon at walang kasalukuyang tungkulin sa pambansang koponan ang maaaring maglaro sa preseason tournament.
Samantala, sisimulan bukas, Hulyo 8, ang PVL On Tour Showdown sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela bilang unang yugto ng 7-leg preseason tour ng liga.
Magtutuos sa pambungad na laro ang ZUS Coffee at Akari sa alas-4 ng hapon, habang magsasagupa naman ang Creamline at Nxled sa alas-6:30 ng gabi.
Mula sa Isabela, tutuloy ang torneo sa Batangas sa Hulyo 11, Vigan City, Ilocos Sur sa Hulyo 25, Polomolok, South Cotabato sa Agosto 1, City of Santiago sa Agosto 8, Lanao del Norte sa Agosto 15, at magtatapos sa Agosto 22 sa lugar na iaanunsiyo pa ng liga.
Ayon sa PVL, layunin ng On Tour na mailapit ang propesyonal na volleyball sa mga tagahanga sa iba’t ibang panig ng bansa at mabigyan ng pagkakataon ang mga koponan na mahasa ang kanilang paghahanda bago magsimula ang bagong season.
“The PVL on Tour is our way, together with the teams, of bringing the game closer to our fans during the preseason. It allows supporters from different parts of the country to experience PVL volleyball firsthand, while giving our teams valuable opportunities to build chemistry and prepare for the season ahead,” pahayag ni PVL Control Committee chairman Sherwin Malonzo.
Magkakaloob ang liga ng P100,000 sa bawat mananalong koponan sa bawat laro, habang P50,000 naman ang matatanggap ng matatalo.
Magpapatupad din ang PVL ng mandatory playing-time rule kung saan lahat ng 14 na manlalaro sa opisyal na roster ay kailangang makalaro bago matapos ang ikalawang set at makalahok sa hindi bababa sa tatlong rally.
Pagkatapos nito, malaya nang magpalit ng manlalaro ang bawat coach alinsunod sa itinakdang substitution rules.
Magbabalik din ang Premier Ball, ang espesyal na dalawang puntos na rally na unang ipinakilala sa PVL All-Star Game. Maaari itong gamitin ng game captain isang beses lamang sa bawat set, ngunit hindi ito maaaring i-activate upang tapusin ang isang set. Sa unang apat na set, maaari lamang itong gamitin hanggang bago umabot sa 22 puntos ang alinmang koponan, at hanggang bago umabot sa 12 puntos sa ikalimang set.