Overtime

LAMINA TOP PICK SA PVL DRAFT

4 June 2026

PINILI si Camilla Lamina bilang top overall pick ng Galeries Tower Highrisers sa ginanap na 2026 Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft kagabi sa Novotel Manila sa Cubao.

Kinuha ng Highrisers ang tubong Guimaras na playmaker bilang pangunahing hakbang sa pagpapalakas ng kanilang koponan para sa susunod na PVL season.

Inaasahang magdadala si Lamina ng karanasan at husay sa pamamahala ng opensa ng Galeries Tower, kasama ang mga beteranang sina Aiza Maizo-Pontillas at Jean Asis, gayundin ang kapwa setter na si Julia Coronel.

Kabilang si Lamina sa mga pinakamatagumpay na manlalaro sa draft class matapos tulungan ang Lady Bulldogs na masungkit ang tatlong kampeonato sa UAAP women’s volleyball. Tatlong beses din siyang kinilalang Best Setter sa kanyang collegiate career.

Kasunod nito, pinili ng Capital1 Solar Spikers bilang No. 2  overall pick ang dating University of Santo Tomas Golden Tigresses libero na si Bernadett “Detdet” Pepito.

Pumasok si Pepito sa propesyonal na hanay matapos ang matagumpay na kampanya sa Golden Tigresses, kung saan dalawang beses siyang hinirang na UAAP Best Libero.

Inaasahang magiging mahalagang bahagi si Pepito ng depensa ng Solar Spikers kasama sina Roma Mae Doromal at Rachel Jorvina habang patuloy na binubuo ng koponan ang kanilang roster para sa darating na PVL season.

Samantala, kinuha ng Choco Mucho Flying Titans bilang No. 3 overall pick si Tin Ubaldo, habang si Alyanna Ong ang fourth overall pick matapos siyang piliin ng ZUS Coffee Thunderbelles.

Walang kinuha ang Akari Power Chargers sa fifth overall selection kaya hinugot ng Nxled Chameleons si Irah Jaboneta bilang no. 5 overall pick sa draft.

Napunta naman si Jonna Perdido sa Farm Fresh Foxies sa No. 6 pick, kinuha ng PLDT High Speed Hitters si Fianne Ariola sa No. 7 pick, at nasungkit naman ng Creamline Cool Smashers si Barbie Jamili sa No. 8 pick.