Overtime

NCR, WESTERN VISAYAS BETS BUMASAG NG RECORDS SA PALARO

30 May 2026

SUNOD-SUNOD na rekord ang nabasag matapos magpakitang-gilas ang mga atleta mula sa National Capital Region (NCR) at Western Visayas sa pagpapatuloy ng 2026 Palarong Pambansa kahapon sa Agusan del Sur.

Pinangunahan ni Franceine Rosario ng NCR ang mga natatanging performance matapos matagumpay na maidepensa ang kanyang titulo sa secondary girls’ pole vault at makapagtala pa ng bagong rekord sa torneo.

Hindi rito nagtapos ang impresibong kampanya ng 17-anyos na atleta mula sa University of Santo Tomas dahil nasungkit din niya ang gold medal sa 100-meter at 200-meter dash upang itaas sa tatlo ang kanyang kabuuang gintong medalya sa paligsahan.

Samantala, nagtala rin ng bagong Palarong Pambansa record si NCR bet Ivan Cabanda sa secondary boys’ 400-meter hurdles matapos tumapos sa oras na 51.7 segundo sa final, mas mabilis kaysa sa kanyang 51.8 segundo sa heats.

Ang rekord ay naitala sa unang taon ng pagpapatupad ng bagong taas ng hurdles na 0.838 metro para sa secondary boys’ division.

Si Cabanda, na kinilalang Rookie of the Year ng UST sa UAAP Season 87, ay nagdagdag pa ng silver medal sa 110-meter hurdles matapos magtala ng 13.55 segundo.

Sa taekwondo poomsae, nakamit nina Angel Dacanay at Jose Llarena ng NCR ang gintong medalya sa secondary mixed-pair event matapos makakuha ng iskor na 8.917 puntos sa kanilang pagtatanghal ng Taegeuk 8 at Taegeuk 5.

Nagwagi rin si Dacanay ng isa pang gold medal sa girls’ team event at silver medal sa individual category bago hinirang na Most Valuable Player ng torneo. Si Llarena naman ay nakasungkit ng silver medal sa boys’ team competition.

Patuloy namang namayagpag ang Western Visayas matapos magtala ng dalawang bagong rekord sa athletics.

Nagtala ng bagong marka ang elementary girls’ 4×100-meter relay team ng rehiyon matapos tumipa ng 51.79 segundo, na bumasag sa dating rekord na 52.44 segundo na naitala noong 2015. Binubuo ang koponan nina Trixia Anne Arellano, Maria Athena de Guiño, Norlyn Bedo at Princesa Lyn Yanson.

Nagrehistro rin ng bagong rekord ang elementary boys’ 4×100-meter relay team ng Western Visayas sa oras na 47.31 segundo, na bumura  sa dating marka na 47.81 segundo na naitala noong 2025.

Bukod sa kanyang tagumpay sa relay, nagwagi rin si Arellano ng gold sa individual event ng elementary athletics. Nag-ambag din sina Rheannah Moreno at Khent Joseph Belarmino ng karagdagang mga gold para sa lumalaking medal haul ng Western Visayas.

Ang mga nakamit na rekord at medalya ay patunay ng matinding kompetisyon sa 2026 Palarong Pambansa, kung saan patuloy na nag-uunahan ang mga rehiyonal na delegasyon para sa pinakamataas na karangalan sa iba’t ibang disiplina.