ILAN PANG PALARO RECORD BINURA
29 May 2026
PATULOY ang pagningning ng mga atleta mula sa Western Visayas matapos basagin ni Althea Grace Prosperoso ang matagal nang rekord sa elementary girls discus throw sa Palarong Pambansa kahapon sa Agusan del Sur.
Ang tubong Pototan, Iloilo ay nagtala ng 37.15 metrong hagis upang higitan ang dating marka na 35.56 metro at tuluyang maging bagong record holder sa nasabing event.
Si Prosperoso ay sinasanay nina coaches Daryl Pareño, Anecito Feranco Jr., Leone Tiosayco, at Benedicto Prasas.
Hindi lamang si Prosperoso ang naghatid ng karangalan para sa Western Visayas matapos ding sumungkit ng gintong medalya si sprinter Trixia Anne Arellano sa girls’ 100-meter dash.
Ito na ang ikalawang gintong medalya ni Arellano sa kasalukuyang edisyon ng Palarong Pambansa. Ang 12-anyos na atleta ay muling nagpamalas ng bilis at husay upang pagtibayin ang kanyang pangalan bilang isa sa mga umaangat na batang bituin sa athletics.
Samantala, muling namayagpag si Franklin Catera ng Western Visayas matapos manaig sa kanyang event sa pamamagitan ng 2.02 metrong talon. Natapatan niya ang dating Palaro record at nakabawi mula sa silver medal finish noong nakaraang taon.
Isa pang rekord ang nabasag nang dominahin ni Jhul Ian Cañalita ng Central Visayas ang secondary boys’ 3,000-meter steeplechase sa oras na 9 minuto at 11.40 segundo. Nalampasan niya ang sarili niyang dating rekord na 9:23.89.
Sa swimming competitions, may ilan ding bagong Palaro record ang naitala.
Pinangunahan ito ni Charles Nathan Boneo ng CALABARZON matapos itala ang 27.77 segundo sa elementary boys’ 50-meter butterfly upang higitan ang dating rekord na 28.03 segundo ni Ronald Guiriba noong 2000.
Nagtala rin ng bagong marka si Patricia Mae Santor ng National Capital Region sa oras na 28.98 segundo, mas mabilis kaysa dating rekord na 29.06 segundo na naitala pitong taon na ang nakalilipas.
Samantala, binasag naman ni Anton Paulo Dominick Della ng Ilocos Region ang rekord sa secondary boys’ 200-meter individual medley matapos magtala ng 2:09.97, na mas mabilis sa dating marka na 2:12.14.