PALARO MEDALISTS TATANGGAP NG CASH INCENTIVES MULA SA PSC
MAKATATANGGAP ng cash incentives mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ang mga medalist ng 2026 Palarong Pambansa, ayon mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kauna-unahang pagkakataon, kabilang sa mabibigyan ng insentibo ang mga magwawagi sa regular sports at para games sa week-long competition na ginaganap sa Agusan del Sur.
“Masaya akong ibalita sa inyo, sa kauna-unahang pagkakataon maglalaan ang Philippine Sports Commission ng incentive para sa mga medalista sa regular sports at para games bilang pagkilala sa inyong husay,” ani Marcos sa kanyang video message.
Karaniwan lamang tumatanggap ng insentibo ang mga medalist mula sa Department of Education at kani-kanilang local government units, ngunit ngayong taon ay magkakaroon na rin ng hiwalay na pagkilala mula sa PSC.
Kaiba sa mga nakaraang taon, bigong makadalo ang Chief Executive sa ginanap na opening ceremony noong Linggo ng gabi at siya kay kinatawan ni Special Assistant to the President Antonio Lagdameo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lagdameo na patuloy ang suporta ng pamahalaan sa school sports programs sa bansa.
Ayon sa kanya, mahigit 6,000 paaralan na ang nabigyan ng sports equipment at iba pang gamit mula 2022 hanggang 2025, at inaasahang madaragdagan pa ito ngayong taon.
May higit 13,000 delegado mula sa 20regional teams ang kalahok sa kompetisyon, na nagsimula kahapon at tatagal hanggang Mayo 23, na ginanap sa Datu Lipus Makapandong Governor D.O. Plaza Sports Complex sa Prosperidad, Agusan del Sur.